Isang 21-anyos sa Isabela ang kumikita ng tumataginting na ₱65,000 hanggang ₱90,000 kada buwan sa pamamagitan ng pagtitinda ng yelo.
Sa programang “Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS)” ng GMA, ibinahagi ng 21-anyos na si Jodielyn Ugalde na nagsimula silang magtinda ng yelo nang manahin nila ang karinderya ng kaniyang lola.
“Imbes na bumili kami sa iba ng yelo, kami na lang ang gumagawa. Dati, hiniram lang namin ‘yung freezer sa tito ko. May mga paisa-isang bumibili sa amin. Hanggang sa dumami sila nang dumami. Hindi namin inaasahan. Nagkaroon na kami ng mga suki. Halos araw-araw na kaming nauubusan ng yelo,” kuwento ni Ugalde sa KMJS.
Sa ngayon ay hindi na lamang daw mga customer na kanilang kapit-bahay ang bumibili sa kanila ng yelo na may presyong ₱6 kada isang piraso, dahil nagsu-supply na rin daw sila sa mga bagsakan at public market.
Nagugustuhan naman daw ng mga fish vendor ang tindang yelo ni Ugalde dahil bukod sa mura, malaki at matagal daw ito malusaw.
Sinabi naman ni Ugalde na silang mag-anak lamang din daw ang mismong gumagawa ng kanilang binebenta at isinisilid ang daan-daang yelong nagagawa nila kada araw sa 16 na freezer sa kanilang bahay.
Dahil talagang naging “in demand” na ang kanilang negosyo, tinatayang 350 hanggang 500 piraso raw ang minimum na nade-deliver nila sa kanilang mga suki araw-araw.
Kaya naman, aniya, pumapalo talaga sa ₱65,000 hanggang ₱90,000 ang kinikita nila kada buwan.
“Dahil sa pagbebenta namin ng yelo, nakakapag-aral ‘yung mga kapatid ko. Nabibili na namin ‘yung mga gusto namin. Hindi na kami nagugutom dahil may pambili na kami ng grocery kada linggo,” ani Ugalde.
Sa ngayon ay vina-vlog na rin daw ni Jodielyn ang kanilang business at tinatawag na rin siyang “Miss Yelo” ng Isabela.