Matapos maispatan ang surot at daga, nag-viral din sa social media ang gumagapang na ipis na tila namamasyal sa isang upuan ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Makikita sa isang video sa TikTok account ng pasaherong si “Jay” ang namataan daw nilang gumagapang na ipis sa departure area ng NAIA Terminal 3.

Sa ulat ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Jay at dalawa niyang kaibigan na papunta silang Bacolod para magbakasyon nang mai-stress daw sila matapos makita ang pagapang-gapang na ipis habang hinihintay ang kanilang flight noong Biyernes, Marso 1.

Nang mga oras na iyon, matutulog daw muna sana sila habang naghihintay, ngunit hindi na raw ito nangyari dahil sa pagka-stress sa nakitang ipis malapit sa kanilang inuupuan.

National

‘May surot sa NAIA?’ MIAA, nag-sorry sa mga nakagat na pasahero

Kaugnay nito, inamin naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) na “hindi katanggap-tanggap” ang pagkakaroon ng mga peste sa paliparan.

Kaya naman, bukod daw sa disinfection na isinagawa nila, pupulungin daw ng pamunuan ng airport ang kanilang housekeeping, pest control agency, at medical staff para tugunan ang isyu.

Matatandaang bago mag-viral ang naturang paggala ng ipis, umani ng sari-saring reaksiyon kamakailan ang mga post ng mga pasaherong nakagat daw ng surot sa NAIA.

Humingi ng paumanhin ang MIAA noong Miyerkules, Pebrero 28, sa mga nabiktima ng surot at inaksiyunan ang isyu.

Samantala, pagkatapos nito, nag-viral din kamakailan ang isang tumatakbong daga sa kisame ng NAIA.

https://balita.net.ph/2024/03/01/pagkatapos-ng-surot-daga-nakita-rin-daw-sa-naia/