Matapos ang isyu ng surot, viral naman ngayon sa social media ang isang tumatakbong daga na nakita rin umano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Makikita sa X post ng netizen na si “Kerb” ang pagtakbo ng daga sa international departure sa NAIA Terminal 3.
“Hello NAIA, una surot, ngayon naman may daga sa international departure? Yung totoo?!?!” ani Kerb sa kaniyang post.
Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni Kerb na nakuhanan niya ang video nitong Biyernes, Marso 1.
Patungo raw sila sa Singapore nang mapansin nila ang naturang daga sa Boarding Gate 102.
Nagsigawan pa nga raw ‘yung mga tao sa harap nila nang makita ang hayop sa may lighting fixture.
Samantala, habang sinusulat ito’y wala pa namang pahayag ang Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil dito.
Matatandaang kamakailan lamang, ilang mga pasahero ang nag-post ng kanilang saloobin sa social media matapos daw silang makaramdam ng pangangati at magkapantal dahil sa surot.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin ang MIAA noong Miyerkules, Pebrero 28, sa mga nabiktima ng surot at sinabing inaaksiyunan na nila ang isyu.