Naglabas na ng public apology si Barangay Ginebra player at Gilas Pilipinas mainstay Jamie Malonzo matapos mag-viral ang video ng pakikipag-away nito kung saan ito binugbog pagkatapos ng laro ng kanyang koponan na nanalo laban sa Chinese Taipei nitong Linggo, ayon kay Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Willie Marcial.

Sa panayam ng Spin.ph, sinabi ni Marcial na nakausap niya si Malonzo na aminadong lasing nang maganap ang pambubugbog sa kanya.

Inamin din aniya sa kanya ng 6'5" na manlalaro na siya ang nasa video kung saan kitang-kitang pinagsusuntok ng isang lalaki hanggang sa ito ay matumba sa loob ng isang restaurant.

Bago kumalat sa social media ang video, naglabas ng pahayag si Gilas head coach Tim Cone nitong Linggo na hindi makalalaro si Malonzo laban sa Chinese Taipei nitong Pebrero 25 dahil na rin sa gastroenteritis at positibo rin ito sa coronavirus disease 2019. (Covid-19).

Carlos Yulo, '2024 Athlete of the Year' ng PSA

Paliwanag ni Marcial, bukod sa PBA, humingi rin ng paumanhin si Malonzo sa Samahang Basketbol ng Pilipinas at sa Barangay Ginebra kaugnay ng insidente.

“Nag-usap kami at sabi niya, it was a miscommunication at it didn’t go well," ani Marcial.

'I just want to apologize to you, the PBA, Ginebra, Ginebra fans, Gilas, Gilas fans, and the SBP,' pahayag aniya sa kanya ni Malonzo.

Idinagdag pa ni Marcial na hindi na idinitalye pa ni Malonzo sanhi ng insidente at kung saan ito nangyari.