Usap-usapan sa social media ang Facebook post ng isang netizen na nagngangalang "Czarlnn Sanchez Jeong" mula sa Pampanga, kung saan mapapanood ang video nang paisa-isang pagbuhos niya sa laman ng mga nabiling fruit juice drink na aniya ay walang flavor at plain water ang laman.
Aniya sa kaniyang post, "Ano to..? Na fake kame dun ah. 😆 kaya pala d ininum ni byeol. 😅 #zesto nyari.? Wala kayang uud to hehe. Or d kaya water ng Angeles to.? Hays."
Maririnig naman sa video ang pagsasalita nila na parang plain water lang ang laman ng bawat basyo habang ibinubuhos ang mga laman nito sa lababo.
Naloka naman ang mga netizen na nakapanood nito.
"Omg!!!!"
"My goodness buti na lang s mahilig s ganyn s Yvin..ingat bhe nid check muna nauuso na nmn ata mga modus na ganyn"
"Nakalimutan lagyan Ng flavor 😅"
"Baliw soju yan. Sayang hahaha mas mahal sa zesto ... dapat pinigaan mo ng kalamansi"
"Pati ba naman 'yan fake na rin?"
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa uploader, sinabi niyang nabili nila ang fruit juice drink sa loob mismo ng SM Hypermarket sa SM Clark, Pampanga.
Nagulat daw siya nang matikmang iba ang lasa ng fruit juice nang magbukas siya ng isa at inumin.
Aminado naman si Czarlnn na hindi na nila natikman ang lahat ng fruit juice drink na binili nila. Hindi na rin nila naisauli sa hypermarket ang mga nabili dahil hindi nila naitago ang resibo.
"Di na namin tinikman lahat ng laman. Basta una ako ang nakatikim kasi gusto ng 2nd son ko ng juice, tapos nagbukas kami ulit pinatikim ko kay yaya so iba nga ang lasa rin kaya sabi ko kunin niya lahat at buksan niya," aniya.
Wala pa raw nakikipag-ugnayan sa kanila mula sa manufacturer o sa mall kaugnay nito.
Samantala, nakipag-ugnayan ang Balita sa kompanya ng naturang fruit juice drink upang hingin ang kanilang panig, subalit wala pa silang tugon o pahayag tungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.