Natimbog ng pulisya ang isang umano'y financial conduit at coordinator ng international terrorist groups sa ikinasang operasyon sa Indanan, Sulu nitong Huwebes.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Romeo Caramat, Jr., ang suspek na si Myrna Ajijul Mabanza, 32.

Inaresto si Mabanza sa Barangay Pasil, Indanan, Sulu nitong Pebrero 15, dakong 6:00 ng umaga.

Aniya, matagal nang pinaghahanap ng batas si Mabanza sa kasong terror financing o paglabag sa Republic Act 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012) at Republic Act 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020).

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Idineklara siya ng United States Defense Department bilang specially designated global terrorist, kasama si Islamic State (ISIS) founder Abu Bakr Al Baghdadi at nasawing si Abu Sayyaf Group (ASG) leader Isnilon Hapilon na isa ring ISIS emir sa Pilipinas.

Sinabi ni Caramat, si Mabanza ang nag-asikaso sa paglilipat ng pondo sa mga local terrorist leader mula sa mga international financiers simula noong 2016.

Inasikaso rin ni Mabanza ang paglilipat ng pondong US$107,000 para kay Hapilon noong Enero 2016.

“In February 2016, Mabanza served as an intermediary between Hapilon and ISIS elements in Syria while in March 2016, Mabanza coordinated another transfer of funds with Hapilon. Also in March 2016, a senior ISIS official in Syria planned to send financial support to ISIS-(Philippines) through Mabanza,” sabi pa ni Caramat.