Nasa kolehiyo pa ako sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) noong una kong nakilala si Senate President Pro Tempore Loren Legarda. Hindi ko inakala na ilang taon pagkatapos ng pagkikitang iyon, ay magkikita kaming muli at mabibigyan ako ng pagkakataon na matuto mula mismo sa kaniya.
Noong 2012, sumali ako sa kaniyang Senate team bilang legislative at communications staff. Ang sinumang pamilyar kay Senador Legarda ay alam kung gaano kalaki ang disiplina na kailangan upang maging bahagi ng kaniyang staff. Malaking bahagi ng aking work ethic ay nabuo noong ako ay nagtatrabaho sa kaniya.
Itinuro niya sa akin ang kahalagahan ng pagiging ma-detalye, pagsusumikap, at disiplina. Ibinibigay niya ang kaniyang 110 porsyento sa lahat ng kaniyang mga adbokasiya. Sinusunod niya ang disiplina ng complete staff work (CSW), at inaasahan niya ang katulad na dedikasyon mula sa kaniyang mga katrabaho.
Sa kaniya ko natutunan na kahit ang pinakamaliit na detalye ay nangangailangan ng pansin, at ang pagpaplano ay kasinghalaga ng mismong pagpapatupad. Kaya kapag sinabi niyang CSW, ang ibig niyang sabihin ay nasaklaw mo na ang bawat maliliit na detalye na mahalaga sa tagumpay ng isang gawain.
Masigasig din siya sa pagsulong sa kaniyang mga adbokasiya.
Siya ang may-akda ng mga pangunahing batas ng bansa sa kapaligiran, climate change awareness at action, at disaster resilience, tulad ng Ecological Solid Waste Management Act, Clean Air Act, Climate Change Act, People’s Survival Fund Act, Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, Green Jobs Act, at ang Expanded National Integrated Protected Areas System Act, bukod sa iba pa.
Si Senador Legarda ay kampeon din ng promosyon at preserbasyon ng kultura at sining ng Pilipinas. Gumawa siya ng mga batas tulad ng National Museum of the Philippines Act, National Cultural Heritage Act, Gabaldon School Buildings Conservation Act, at National Indigenous Peoples Day.
Bago pa man naging uso ang pagsusuot ng mga damit na gawa ng mga katutubong Pilipino, nakilala na siya sa kanyang "fashionalism".
Siya ang may-akda ng Philippine Tropical Fabrics Law na nag-uutos na isulong ang mga likas na tela ng bansa sa pamamagitan ng paggamit ng naturang mga materyales para sa mga opisyal na uniporme ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Naaalala ko, bukod sa mga espesyal na okasyon, nagsusuot din kami ng Filipiniana tuwing Lunes sa Senado bilang pagsunod sa batas na ito na kaniyang inakda.
Marami rin siyang pinasimulan na mga proyekto na nagtataguyod ng sining at kultura ng Pilipinas.
Noon pa man, itinuring ko na si Senadora Loren bilang isa sa aking mga unang guro at tagapayo sa gobyerno. At isa sa pinakamagandang bagay na natutunan ko sa kaniya ay ang magkaroon ng “can-do” attitude, na kapag gusto mong makamit ang isang bagay, kailangan mong ibigay ang lahat at gawin ang lahat para makamit ito, dahil gaya ng lagi niyang sinasabi, “There is no such thing as, it can’t be done.”