Patay ang isang barangay tanod dahil lamang umano sa away sa parking sa Tondo, Manila nitong Martes ng gabi.

Ito'y matapos resbakan at saksakin ng anak ng lalaking kanyang una umanong sinaksak dahil sa alitan.

Naisugod pa sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Alejandro Navajas, 45, isang barangay tanod, at residente ng Pilapil St., Dagupan St., Tondo, ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga tama ng saksak sa likuran.

Nasa kritikal naman umanong kalagayan ang lalaking nasaksak ni Navajas na nakilalang si Catalino Cordero, na nagtamo ng saksak sa dibdib.

VP Sara may sagot sa umano'y impeachment niya: 'If I get impeached, that's it!'

Samantala, nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang anak ni Cordero na si Carlo Calugay, 22, tricycle driver, at residente ng 1683 Gabriela St., Tondo, na siyang sumaksak kay Navajas.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Jason Ibasco, ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-9:55 ng gabi sa Gabriela St., Tondo.

Nauna rito, nagtungo umano sa lugar si Navajas upang dalawin sana ang kanyang biyenan na may sakit.

Gayunman, sa 'di inaasahang pangyayari ay nagkaroon ng alitan sa pagitan ni Navajas at ni Cordero.

Batay sa salaysay ng asawa ni Navajas sa barangay, parking lamang umano ang pinagmulan ng alitan.

Nagpang-abot umano ang dalawa sa isang eskinita kung saan nasaksak ni Navajas si Cordero sa dibdib.

Sa kuha ng CCTV, makikitang sinubukan ni Navajas na umalis na at sumakay ng kanyang motorsiklo ngunit pinigilan siya ni Cordero at saka sinuntok.

Tinangka namang umawat ni Calugay ngunit nang makitang duguan ang kanyang ama ay mabilis itong umalis at kumuha ng patalim at saka sinaksak si Navajas mula sa likuran.

Sinubukan pang habulin ni Navajas si Calugay ngunit tuluyan na itong bumulagta bago pa man tuluyang nakalayo.