Napakalaking hamon sa atin ng krisis sa klima, lalo na ang mga panganib na dulot nito. At dahil isa itong pandaigdigang problema, madaling makaramdam ng kawalan ng kakayahan bilang mga indibiduwal — na para bang wala sa ating mga indibiduwal na aksyon ang makatutulong para maibsan ang mga epekto ng nagbabagong klima.

Ang mga kasunduan, estratehiya at solusyon na tinatalakay ng mga pinuno, eksperto sa klima, siyentipiko, aktibista, at organisasyon sa mga taunang kumperensya ng klima ay mahalaga. Gayunpaman, dapat nating mapagtanto na ang mga pag-uusap na ito ay dinadaluhan ng wala pang isandaang libong tao (halos 86,000 ang dumalo nang personal at online sa COP28 sa Dubai), wala pa sa isang porsyento ng humigit-kumulang walong bilyong tao sa mundo.

Kaya’t kung ang bawat isa sa atin ay nangangako na gumawa ng kahit isang hakbang para makatipid ng enerhiya bawat araw, ang ating sama-samang pagkilos ay siguradong magkakaroon ng malaking epekto.

Ang Earth Hour ay isang kongkretong halimbawa kung paano ang pinagsama-samang indibiduwal na aksyon ay nagreresulta sa malaking pagbabago.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Nagsimula ang Earth Hour noong 2007 sa Sydney, Australia. Nilahukan ito ng mahigit 2.2 milyong indibiduwal at 2,000 na mga negosyo doon na nagpatay ng ilaw sa loob ng isang oras. Simula noon, naging pandaigdigan ang kampanya kung saan mas maraming bansa ang lumalahok sa kaganapang inorganisa ng WWF.

Unang nakibahagi ang Pilipinas sa Earth Hour noong 2008, at bawat taon pagkatapos noon. Sa paglahok noong nakaraang taon, nakatipid tayo ng 62.69 megawatts (MW) ng enerhiya mula sa pagpapatay ng mga ilaw sa loob ng isang oras, ayon sa Department of Energy (DOE).

Ngunit noong nakaraang taon ay hindi ang ating pinakamahusay na paglahok, dahil noong Earth Hour 2022, nakatipid tayo ng 65.32 MW; habang noong 2019, nakatipid tayo ng 195.34 MW. Malinaw na ipinapakita nito ang epekto ng mga indibiduwal na aksyon — kung ang bawat isa sa atin ay mangangako sa simpleng pagkilos ng pagtitipid ng enerhiya, lahat tayo ay lubos na makapag-aambag sa pagsagip sa ating mundo.

Ayon sa United Nations, ang pinakamalaking nag-aambag sa pandaigdigang greenhouse gas (GHG) emissions ay ang sektor ng suplay ng enerhiya, dahil ipinakita ng mga pag-aaral na ito ang bumubuo ng 35 porsiyento ng global emissions.

Marami kasing mga bansa ang umaasa pa rin sa fossil fuels para sa paggamit ng enerhiya, at karamihan nito ay ginagamit sa mga gusali at kabahayan.

Ang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya sa mga bahay ay maaaring mag-ambag sa pagbabawas ng global average individual carbon footprint—mula 6.3 tonelada sa 2020, maaari itong bumaba hanggang 2.1 tonelada sa 2030, ayon sa UN. Kaya naman nagbahagi rin sila ng ilang mga paraan upang bawasan ang paggamit ng enerhiya sa mga kabahayan.

Makatitipid tayo nang malaki sa enerhiya kung magbabawas tayo sa paggamit ng pagpapalamig o pagpapainit sa ating mga tahanan, dahil ang mga sistemang ito ay nangangailangan ng pinakamaraming enerhiya at malaki ang kontribusyon sa GHG emissions. Ang paggamit ng mga LED na bombilya, pagpili ng mga electric appliances na matipid sa enerhiya, pagpatay ng mga hindi ginagamit na ilaw, pagtanggal sa saksakan ng mga de-kuryenteng bagay kapag hindi ito ginagamit, paggamit ng malamig na tubig sa paglalaba, pagsasabit ng mga bagay upang matuyo sa halip na gumamit ng dryer—lahat ito ay simple ngunit mga epektibong paraan upang bawasan ang pagkonsumo ng enerhiya.

Mahusay din kung kayang gumamit ng mga renewable energy source, tulad ng mga solar panel. Sinasabi ng UN na ang paglipat sa renewable energy ay makatutulong na mabawasan ang ating carbon footprint ng hanggang 2.5 tonelada taun-taon.

Anumang paraan ang piliin natin upang simulan ang ating indibiduwal na paglalakbay sa pag-aambag sa pagkilos sa klima, ang pinakamahalagang bagay na dapat nating tandaan ay ang maging tapat at tuloy-tuloy sa ating mga pagsisikap.

Hindi naman natin kailangang maging eksperto sa klima para makapag-ambag, kailangan lang nating maging responsableng mamamayan para malaman kung anong mga aksyon ang dapat nating gawin para iligtas ang ating planeta, ang ating nag-iisang tahanan.