Kinikilala ang UAE Consensus bilang isang makabuluhang kasunduan na maaaring maghudyat ng simula ng pagtatapos para sa fossil fuels. Ang kasunduan ay pinagtibay ng halos 200 partido noong COP28 climate change conference na ginanap sa Dubai, United Arab Emirates noong nakaraang Disyembre.

Dahil sa UAE Consensus ay nabigyan tayo ng panibagong pag-asa na maaari pa rin nating pigilan ang global warming at limitahan ito sa 1.5 degrees Celsius. Gayunpaman, mayroong mas malaking tanong kung ito ay talagang magkakaroon ng epekto.

Kung susuriin natin ang unang Global Stocktake (GST), sinabi nito na ang mga bansa ay wala sa landas upang matugunan ang layunin ng Kasunduan sa Paris na limitahan ang global warming sa 1.5 degrees Celsius upang maiwasan ang pinakamalubhang epekto ng pagbabago ng klima.

Ang unang GST ay ang resulta ng pagsusuri sa mga pagsulong na ginawa ng mga bansa patungo sa mga target ng Kasunduan sa Paris limang taon pagkatapos nitong magkabisa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang katotohanan, kalaban natin ngayon ang oras dahil lubhang kulang ang ating mga aksyon sa mga nakaraang taon. Hindi natin tinupad ang ating mga pangako.

Maaari pa rin naman tayong makahabol, ngunit kailangan natin ng mas maiigting na hakbang upang mabawasan ang emisyon ng greenhouse gas (GHG).

Ang isang epektibong paraan upang mapilitan ang lahat na piliin ang malinis na enerhiya kaysa sa mga fossil fuel ay ang paglalagay ng presyo sa carbon o ang carbon pricing.

Sa carbon pricing, ang mga patuloy na naglalabas ng GHG ay kailangang magbayad para sa kanilang mga labis na emisyon.

Mayroong ilang mga paraan ng pagpepresyo ng carbon. Ang isa ay ang emissions trading system (ETS), o ang cap and trade, kung saan ang gobyerno ay nagtatakda ng limitasyon sa mga emisyon at nagbibigay ng emission allowance sa mga kumpanya. Kapag hindi naubos ng isang kumpanya ang emission allowance nito, maaari niya itong ipunin para magamit sa hinaharap o ibenta ito sa ibang kumpanyang nangangailangan. Patuloy na binabawasan ng gobyerno ang limitasyon ng mga emisyon upang tuluyang maabot ang kabuuang target na pagbabawas ng GHG, samantalang ang allowance ng emisyon para sa mga kumpanya ay patuloy ding bababa.

Mayroon ding buwis sa carbon, kung saan nagtatakda ang gobyerno ng presyo o buwis sa paggamit ng fossil fuel. Nangangahulugan ito na kung mas maraming gumagamit ng fossil fuel, mas malaki ang buwis sa carbon na dapat bayaran. Kaya’t sa halip na magbayad ng carbon tax, mas makabubuti sa kumpanya na simulan ang paglipat sa mga malinis na alternatibo.

Patuloy na tataas ang temperatura ng mundo kung hindi natin seseryosohin ang pagbabawas at tuluyang pag-iwas sa fossil fuel. Kailangan natin ang carbon pricing bilang isa sa mga pangunahing hakbang sa pagbabawas ng GHG emission. Wala nang oras na maaaring sayangin, kailangan na nating kumilos ng mas mabilis at gumawa ng malalaking hakbang upang maiwasan ang pinakamasamang epektong dulot ng krisis sa klima.