Iginiit ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na sayang lamang daw ang pera ng taumbayan sa isasagawang “Bagong Pilipinas” kick-off rally sa Linggo, Enero 28, sa Quirino Grandstand.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Enero 27, sinabi rin ni Colmenares nakatanggap din daw sila ng mga ulat na gagamitin umano ang “Bagong Pilipinas” rally para itulak ang Charter Change (Cha-cha).
"Sayang lang ang pera ng taumbayan dito at ginagawa pang halos mandatory ang pagdalo samantalang napakadaming dapat asikasuhin ng mga kawani ng gobyerno at maging ng mga opisyal ng barangay," ani Colmenares.
"Sa gitna ng kahirapan at kawalan ng ayuda, gagastos na naman ang gobyerno sa isang rally na walang katuturan. Ang lalo pang masakit ay ayon sa ilang nakausap nating barangay at Sangguniang Kabataan officials ay gagamitin din daw ang rally na ito ng administrasyong Marcos Jr. para itulak uli ang Cha-cha at palabasin na ang mga pumunta dun ay suportado ito," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, nanawagan ang Bayan Muna chairperson sa publiko na huwag pumunta sa naturang pagtitipon, bagkus ay ang samahan daw nila ay ang mga rally na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga mamamayan.
"Ipakita natin sa gobiyerno na tutol tayo sa mga gimik na ganito lalo na kung tayong mamamayan ang gagastos dyan. Ang panawagan natin sa mga mamamayan ay huwag na silang pumunta sa rally na yan at ang samahang rally ay yung para sa kapakanan ng mamamayan ," saad ni Colmenares.
Matatandaang inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) na ilalahad ng pamahalaan ang ilan sa kanilang “major services” sa “Bagong Pilipinas” kick-off rally.
Inaasahan umanong libo-libong Pilipino ang dadalo sa naturang pagtitipon.