Nanindigan ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes na pinal na at hindi na nila palalawigin pa ang bagong public utility vehicle (PUV) consolidation deadline na itinakda sa Abril 30, 2024.
Ang pahayag ay ginawa ng DOTr, matapos na aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyurkules ang rekomendasyon ni DOTr Secretary Jaime Bautista na i-extend ang deadline para sa konsolidasyon ng mga PUVs sa isang kooperatiba o korporasyon, sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Bautista, pinal na ang naturang deadline at hindi na nila muli pang irerekomenda sa pangulo ang panibagong ekstensiyon para dito.
Ipinaliwanag ni Bautista na sa kanyang pananaw ay sapat na ang tatlong buwan upang makapag-consolidate ang mga PUVs.
"I think three months is more than enough time for them to consolidate… what we are really after is those who are willing to consolidate,” ani Bautista, sa isang pulong balitaan. "After April 30, we will no longer recommend an extension. This is already the eighth extension."
Sinabi rin ni Bautista na dapat sana ay itutuloy na nila ang pagpapatupad ng PUVMP kahit nasa 76% pa lamang ang nationwide consolidation rate.
Ani Bautista, ang naturang bilang ay sapat na para ipatupad ang programa, ngunit nagpasyang palawigin pa ito.
Inaasahan naman ni Bautista na sa sandaling matapos ang panibagong deadline ay aabot na sa 85% ang consolidation rate. Aniya, "At 85%, I'm very sure this will be a very successful project."
Ang deadline para sa PUV consolidation ay pormal nang nagtapos noong Disyembre 31, 2023 ngunit maraming transport groups ang humihiling na mapalawig pa ito.
Anang DOTr, layunin ng ekstensiyon na mabigyan pa ng sapat na pagkakataon ang mga operators na nagpahayag ng intensiyong mag-consolidate ngunit hindi nakaabot sa deadline.