Naglabas ng sama ng loob si Leira Denisse, babae at bunsong anak ng pinugutang security guard na si Alfredo Valderama Tabing, sa isang car dealership store na pinagtrabahuhan ng kaniyang ama.
Matatandaang karumal-dumal ang ginawang pagpatay kay Alfredo noong Pasko sa Ford Service Center sa Balintawak, Quezon City.
Nitong Lunes, Enero 24, kinilala na ng pulisya ang ‘di umano’y dalawang suspek sa pagpatay kay Tabing. Ito’y sina Michael Caballero, driver sa car dealership; at Joemar Ragos Organes, staff at taga timpla ng kape sa mga customer, na pawang mga katrabaho ng biktima.
Ayon kay Leira Denisse, itinuring ng kaniyang ama na kumpare si Organes. Bumibiyahe pa raw ang ama papuntang Caloocan kapag day off para makipag-inuman at makipag-kwentuhan umano sa suspek.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Leira Denisse, ikinuwento niya ang nangyari nang pumunta sila sa pinangyarihan ng insidente noong Disyembre 25. Aniya, nadatnan nila ang isang representative ng Ford Balintawak at isa raw umano ito sa may katungkulan doon.
"No'ng December 25, nandoon kami sa crime scene. May isa silang representative at isa 'yon sa may malaking katungkulan sa Ford. Nasa gilid lang niya kami pero nakuha pa niyang makipagtawanan sa kausap niya," ani Leira.
Pagbabahagi pa niya, "Ni isang pasensya or kahit tingin lang na may kasamang simpatya wala kaming napala sa kaniya. Wala pong nag-reach out na management sa pamilya namin hanggang sa mailibing si papa."
Nabanggit din ni Leira na mula noong Pebrero 2022 pa raw walang CCTV ang dealership store.
"Since February 2022, walang CCTV at aware doon si papa kasama ang iba pang employees. Actually matagal na raw po nila itong nire-raise sa Ford, pero 'yong Ford ni-report doon sa agency nila papa (which is the An-Chuan) na gawa na ang mga CCTVs nila. Unfortunately, hindi ito chineck maigi ng agency and nakapag-operate pa rin ang Ford ng walang CCTV," aniya.
Matatandaang isa sa mga mandato ng Quezon City Public Order and Safety na dapat mayroong CCTV ang bawat establisyimento sa Quezon City. Kung sakaling lumabag, maaaring makansela ang kanilang permit.
Nauna nang naglabas ng galit si Leira Denisse sa pamunuan ng Ford Balintawak sa pamamagitan ng kaniyang TikTok account.
“Bago ko tapusin ito, gusto ko lang din malaman ninyo kung gaano kawalang-hiya ang FORD BALINTAWAK,” aniya.
“Una sa lahat, ang Ford Balintawak, ay main branch pero ni isa sa mga CCTV nila ay hindi gumagana simula Pebrero 2022. Pangalawa, ang kanilang main door papuntang showroom ay isang improvised lang na malaking tabla. Pangatlo? Tatlong security guard ang naka-duty sa umaga, at ISANG SECURITY LANG DAPAT SA GABI (dahil nagtitipid daw sila).
“Pang-apat? Base sa mga pulis, si Caballero ay mayroon nang warrant of arrest dati at ang lahat ng dokumentong pinasa niya sa Ford ay gawang Recto lang. Take note na siya ay trabahador ng Ford simula 2016,” pagdetalye pa nito.
Sinabi rin nito na wala rin daw silang natanggap ni isang pasensya o simpatya mula sa dealership store.
“Ang sakit. Bakit pinrotektahan ng tatay ko ang kumpanyang wala namang pakielam sa kanya? Simula’t sapul na namatay ang tatay ko, ni isang pasensya o simpatya, wala kaming natanggap sa kanila. Tuloy pa din sa pag-operate na parang normal lang ‘yong pagpatay na naganap sa tauhan nila.
“Bakit? Dahil ISANG SECURITY GUARD LANG ANG NAWALA? MGA KAPITALISTA! Alam kong walang nakakatakas sa batas, at ang hustisya ay para sa lahat! Kaya sa lahat ng taong makakabasa nitong post ko, pwede ninyong ipagbigay alam sa QCPD kung mayroon kayong impormasyon kung nasaan ang mga suspek na ito,” dagdag pa niya.
Samantala, habang isinusulat ito, wala pang pahayag ang Ford Balintawak tungkol sa insidente.
Bukas ang Balita para sa kanilang panig.