Epektibo na simula ngayong Lunes, Enero 22, ang programang ‘Unang Abulyo ng Maynila’ na magkakaloob ng P3,000 abuloy sa pamilya ng mga Manilenyong sinawimpalad na bawian ng buhay.

Ito’y matapos na lagdaan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang Ordinance No. 9019, na iniakda ni District 6 councilor Salvador Philip Lacuna, na ang layunin ay matulungan ang mga nagluluksang pamilya ng namatayan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa ilalim ng naturang ordinansa, pagkakalooban ng Manila City Government ng death benefit assistance ang mga pamilya ng isang bona fide resident ng lungsod o duly registered voter ng Maynila na binawian ng buhay.

Sakali naman umanong ang namatay ay menor de edad, kinakailangang ang mga magulang nito ay residente ng Maynila o rehistradong botante ng lungsod.

“BREAKING: "Unang Abuloy ng Maynila" Program takes effect today as Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan signed Ordinance No. 9019, providing bereaved families of all Manilans a funeral assistance of 3,000 pesos,” anunsiyo pa ng Manila Public Information Office.

Kaugnay nito, inatasan ni Lacuna ang mga barangay, sa pamamagitan ng Manila Barangay Bureau at Liga ng mga Barangay, na kaagad na iulat ang mga pumanaw na residente o rehistradong botante sa kanilang lugar.

Maaari aniya itong ireport sa mga hotlines na 0927 346 6667 para sa District 1; 0919 810 6787 para sa District 2; 0919 358 1842 para sa District 3; 0905 364 8189 para sa District 4; 0997 882 4763 para sa District 5 at 0922 714 4752 para sa District 6.