Paano tayo makalilikha ng isang barrier-free environment? Isang kapaligiran na walang hadlang kaninuman, anuman ang edad o kakayahan.
Madalas, ang isang lugar ay sinasabing PWD-friendly o accessible sa mga taong may kapansanan (persons with disabilities o PWD) kapag mayroong mga rampa, handrail, at elevator. Ngunit marami pang ibang paraan, at maraming iba pang salik na dapat isaalang-alang upang makagawa ng isang lugar na barrier-free o walang hadlang. Hindi ito kasingdali ng paglalagay ng mga solusyon sa mga umiiral na imprastraktura, dahil sa umpisa pa lang, ang mga pangangailangan ng mga PWD ay dapat nang isaalang-alang sa pagpaplano ng ating imprastraktura, mga gusali, at pangkalahatang disenyo ng lungsod.
Sa ilalim ng batas, partikular ang Republic Act No. 7277, o ang Magna Carta for Disabled Persons, ang mga PWD ay may mga karapatan na kapareho ng ibang tao na makuha ang kanilang nararapat na lugar sa lipunan.
Alinsunod dito, dapat ibigay ng estado ang buong suporta nito upang magarantiya ito sa pamamagitan ng mga patakarang nagtataguyod ng rehabilitasyon at pag-unlad sa sarili ng mga PWD upang magkaroon sila ng pantay na access sa mga oportunidad na magbibigay-daan sa kanilang buong integrasyon sa ating lipunan.
Noong 2013, ang RA 7277 ay inamyendahan ng Republic Act No. 10524 upang tukuyin na hindi bababa sa isang porsyento ng mga posisyon sa gobyerno ang dapat na nakalaan para sa mga PWD. Ang mga pribadong kumpanya na mayroong hindi bababa sa isandaang empleyado ay hinihikayat na gawin din ito.
Batay sa mga tala ng National Council on Disability Affairs (NCDA), mayroong 1,336,325 na rehistradong PWD noong Enero 4, 2024. Ngunit sa 2022 data ng NCDA, humigit-kumulang 20 porsiyento lamang ng mga PWD ang may trabaho.
Ang mga numerong ito ay batay sa naitalang data. Pero duda ako na sa populasyon na mahigit 100 milyon, 1.3 milyon lang ang may kapansanan. Tiyak, marami pa diyan ang hindi makapagparehistro, marami sa kanila ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya na maaaring hindi alam na may batas na nagbibigay ng mga pagkakataon at pribilehiyo para sa mga PWD, o ang kanilang mga pamilya ay sadyang abala sa pagsisikap na matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Upang matiyak ang pakikibahagi ng mga PWD sa ating lipunan, malaking bahagi ng solusyon ay nakasalalay sa accessibility. Naa-access ba ng mga PWD ang parehong mga pagkakataon tulad ng mga taong walang kapansanan?
Sa edukasyon, ang pagkakaroon ng online learning ay isang paraan upang matanggal ang mga hadlang sa pag-aaral. Halimbawa, ang NCDA ay naglunsad ng isang programa na tinatawag na Accessible Online Learning System. Ito ay idinisenyo upang matugunan ang magkakaibang pangangailangan ng mga mag-aaral na may mga kapansanan. Nagtatampok ito ng mga nako-customize na interface, subtitle, interpretasyon ng sign language, at adaptive assessment upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga PWD.
Napakahalaga rin ng imprastraktura sa pagbibigay kapangyarihan sa mga PWD. Napakalaking lugar na ng mundo para sa isang taong walang kapansanan, gaano pa kaya para sa taong may kapansanan? Ito ay nagiging mas malaki para sa kanila, at nagdudulot ng pangamba na sa paggalugad ng mga lugar at pagkakataon, maaaring maraming pisikal na hadlang sa daan.
Bukod dito, ang ating bansa ay madalas na bisitahin ng mga kalamidad tulad ng mga bagyo at lindol. Ang atin bang mga gusali at imprastraktura ay nakadisenyo na madaling makakalikas ang mga taong may kapansanan kapag nangyari ang mga sakunang ito?
Mahalaga rin na ang ating pampublikong transportasyon ay naa-access ng lahat ng mga PWD upang matiyak ang kadalian ng pagpunta sa iba’t ibang lugar, maging para sa edukasyon, trabaho, o paglilibang.
Para sa mga may limitadong kakayahan sa paggalaw, ang pagkakaroon ng mga rampa, hand rail, platform lift, banyong may mga grab bar, ay higit na makatutulong. Ang mga sukat ng mga pinto at mga daanan ay mahalaga din upang mapaunlakan ang mga malalaki at de-motor na mga wheelchair.
Para sa mga bulag at bahagyang nakakakita, ang mga butones ng elevator na may Braille, tactile flooring, mga audio instructions lalo na sa mga pampublikong lugar at transportasyon ay makatutulong na mapahusay ang accessibility.
Samantala, para sa mga bingi at mahina ang pandinig, ang mga sign language na video, at ang mga signage na madaling basahin ay malaking tulong.
Marami pang ibang mga paraan upang mapabuti ang accessibility para sa mga PWD. Napakahalaga na, kapag nagpaplano ng pagtatayo ng mga gusali, imprastraktura, at iba pang mga espasyo, dapat magkaroon ng konsultasyon sa mga miyembro ng komunidad ng PWD upang tunay nating maunawaan ang kanilang mga pangangailangan at magawa nating mas maginhawa para sa kanila ang kapaligiran na kanilang tinitirhan.