Pinagkalooban ng Marikina City Government ng 100% business permit at business tax exemption ang mga kuwalipikadong sari-sari stores at mga karinderya sa lungsod.

Nabatid na ito matapos na lagdaan ni Mayor Marcy Teodoro ang Ordinance No. 140 nitong Lunes.

Eleksyon

Abalos, nanawagan ng sapat na pondo para sa kaguruang magbabantay sa eleksyon

Ayon kay Teodoro, sakop ng ordinansa ang mga sari-sari stores, karinderya/eateries na may start-up capital na hindi higit sa P10,000 o annual gross receipt na hindi higit sa P180.000.

Samantala, hindi naman kasama sa exemption sa business tax, business permit at regulatory fees ang sari-sari stores na nagbebenta ng sigarilyo, anuman ang start-up capital nito; mga karinderya/eatery na nagbebenta ng sigarilyo at alak; at mga sari-sari stores, carinderia/ eateries na may start-up capital na higit P10,000.

“The exemption period of business tax, business permit and local regulatory fees and charges shall begin January 1, 2024 to December 31, 2024,” nakasaad sa ordinansa.

“All exempted ‘sari-sari’ stores and ‘carinderias’ will be issued the necessary certificate of exemption by the Business Permits and Licensing Office (BPLO)," bahagi pa nito.

Ipinaliwanag ni Teodoro na nagpasya ang city government na magbigay ng tax relief sa maliliit na negosyo, gaya ng sari-sari store at karinderya, upang matulungan silang makaagapay at makabangon mula sa epekto ng pandemya.

“Ginagawa natin ito hindi para makita lang. Hindi para ipagyabang. Ginagawa natin ito para makatulong,” pahayag pa ng alkalde.

Aniya, “Kaya naisipan natin na ito na. Imbis na i-discount ililibre na lang natin ang business tax."

Samantala, nabatid na nilagdaan din ni Teodoro ang Ordinance No. 139, na nagpapalawig sa panahon para sa renewal ng business permits ng walang surcharges at penalties hanggang Marso 31, 2024.