Magpapatupad daw ang pamahalaan ng mga programang naglalayong tulungan ang mga tsuper at operator ng jeep na maaapektuhan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa isang press briefing sa Malacañang na inulat ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Enero 15, sinabi ni Office of Transportation Cooperatives (OTC) chairman Jesus Ferdinand Ortega na ilan sa mga programang ipatutupad ng pamahalaan para sa mga tsuper at operator ng jeep ay ang “EnTSUPERneur” at “Tsuper Iskolar.”
Ayon kay Ortega, nagbigay ng pondo ang Department of Transportation (DOTr) sa programang “EnTSUPERneur” upang matulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maisakatuparan ang Integrated Livelihood Program nito na naglalayong magkaloob ng kapital at capacity building sa kabuhayan ng mga apektadong manggagawa.
Sa kabilang banda, ang “Tsuper Iskolar” ay programa umano ng Technical Education and Skills Development Program (TESDA) na naglalayong magbigay ng scholarship at livelihood training sa mga driver, operator at kanilang mga pamilya.
“They could avail the program set by DOLE and by TESDA. These are for those that are affected, either driver or operator especially those that hindi nag-consolidate. So ‘yun ‘yung programs of the government for them,” ani Ortega.
Matatandaang Disyembre 31, 2023 ang inilatag na deadline ng pamahalaan para sa franchise consolidation sa ilalim ng PUVMP.
Binigyan naman ng DOTr ang mga operator ng jeep ng hanggang Enero 31, 2024 para payagang mamasada ang mga hindi nakapag-consolidate.
Pagkatapos nito, sa Pebrero 1, 2024, ituturing na umanong “colorum” ang mga PUV na hindi nakapag-comply sa nasabing franchise consolidation.
Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari daw umabot sa mahigit ₱2 milyon.
Kaugnay nito, inanunsyo ng pangulo ng transport group Manibela na si Mar Valbuena nitong Linggo, Enero 14, na muli silang magsasagawa ng malawakang tigil-pasada sa darating na Martes, Enero 16, 2024 bilang pagprotesta umano sa nasabing PUVMP ng pamahalaan.