Sa tuwing sasalubungin natin ang bagong taon, lahat tayo ay naghahangad ng mas magandang hinaharap. At bagama't ang mga ito ay personal o may kinalaman sa ating mga pamilya, kaibigan at agarang komunidad, sa mga nakaraang taon ay naisasama na rin natin ang kalusugan ng ating planeta sa ating mga mithiin dahil na rin kaakibat nito ang kalidad ng ating buhay at pangkalahatang kagalingan.
Hindi kaaya-aya ang mga pagtataya sa klima para sa taong 2024.
Base sa pagtataya ng Met Office ng United Kingdom noong nakaraang buwan, ang global average na temperatura para sa 2024 ay maaaring pansamantalang tumama sa 1.5 degrees Celsius.
Kailangan nating tandaan na sa Paris Agreement on Climate Change na pinagtibay noong 2015, ang layunin natin ay limitahan ang global warming sa 1.5 degrees Celsius upang maiwasan ang pinakamatindi at hindi maibabalik na epekto sa pagbabago ng klima.
Kapag pansamantala nating naabot ang temperaturang iyon sa taong ito, masusulyapan ba natin ang posibleng senaryo kung lalabag tayo sa limitasyon para sa pangmatagalan? Posible ito ayon sa Met Office.
Ngayon, ang mas mahalagang tanong ay kung alin sa mga aksyon ang ginagawa natin upang limitahan ang pag-init ng mundo sa 1.5 degrees Celsius, at hanggang saan tayo makararating sa kasalukuyang kalagayan ng pagpopondo sa klima.
Sa aking nakaraang artikulo, tinalakay ko ang kahalagahan ng Loss and Damage (L&D) Fund para sa Pilipinas at iba pang mga bansa na lubhang apektado ng pagbabago ng klima. Kinikilala ng pondong ito, na pinasimulan lamang noong COP28 sa Dubai, ang mga kawalang-katarungan ng pagbabago ng klima.
Ang pondong ito ay para sa mga umuunlad na bansa na matindi ang mga pinsalang dinanas dahil sa krisis sa klima. Nararapat lamang ito dahil hindi naman sila ang nag-ambag ng napakalaking volume ng greenhouse gas (GHG) emissions, ngunit sila ang pinaka-apektado ng mga kahihinatnan, tulad ng mga bagyo at baha, pagbawas sa produktibidad ng agrikultura, at pagtaas ng lebel ng dagat.
Ang L&D Fund, na tumutugon sa pinsalang dulot ng pagbabago ng klima dahil sa mga emisyon ng GHG, ay isa lamang paraan ng pagpopondo sa klima. Mayroon pang iba, tulad ng Green Climate Fund (GCF), ang pinakamalaking multilateral na pondo sa mundo na nakatuon sa pagsuporta sa aksyon ng klima sa mga umuunlad na bansa.
Kasama sa ikalawang pagpopondo ng GCF ang mga bagong pangako mula sa anim na bansa. Ang mga pangako ay umabot sa $12.8 bilyon mula sa 31 bansa. Marami pang kontribusyon ang inaasahang makakamit.
Mayroon ding Adaptation Fund na nilalayong tustusan ang mga kongkretong prokeyto sa adaptasyon sa mga umuunlad na bansa na nakararanas ng masamang epekto ng pagbabago ng klima. Ang mga bagong pangako na nagkakahalaga ng halos $188 milyon ay ginawa sa Adaptation Fund sa COP28.
Dagdag pa rito, walong pamahalaan ang nag-anunsyo ng mga bagong pangako sa Least Developed Countries Fund at Special Climate Change Fund na may kabuuang mahigit $174 milyon sa pagtatapos ng COP28.
Ang mga halagang ito ay mukhang napakalaki, ngunit sa isang pandaigdigang konteksto, kung talagang tinatrato natin ang krisis sa klima bilang isang emergency na sitwasyon, ang gayong pondo ay hindi sasapat. Trilyong dolyar ang kailangan upang suportahan ang mga umuunlad na bansa habang lumilipat sila sa mga solusyon sa malinis na enerhiya at ipinatupad ang kanilang pambansang mga plano sa adaptasyon at pagpapagaan sa klima.
Kung siniseryoso nating ipamana sa mga susunod na henerasyon ang isang malusog na planeta, hindi sapat na magkaroon tayo ng pagkakaisa sa pananaw at layunin lamang; dahil ang totoo, kailangan natin ng pera—sapat na pondo—para maging posible ito.