Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na ‘all systems go’ na para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Martes, Enero 9.

Kaugnay nito, umapela rin si Lacuna sa mga dadalo sa relihiyosong okasyon na gawin ang kanilang bahagi upang matiyak na payapa at maayos ang pagdiriwang, para sa tagumpay nito.

Nabatid na mismong si Lacuna pa ang personal na nag-check sa magiging daloy ng mga aktibidad at mga deboto para sa mga naka-schedule na misa at ‘Pahalik’ sa Quirino Grandstand.

Kasama niya sina Manila Police District (MPD) Director PCol. Arnold Thomas Ibay, City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at Manila Disaster Risk Reduction Management Office chief Arnel Angeles, na binigyan niya ng mga ispesipikong direktiba para sa mga kinakailangang paghahanda para sa pagdiriwang.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Tiniyak naman ni Ibay sa alkalde na may sapat silang mga tauhan na ide-deploy para sa mga aktibidad na may kinalaman sa pista, pangunahin na rito ang kauna-unahang Traslacion na idaraos matapos ang pandemya ng COVID-19.

Ininspeksiyon din naman ni Lacuna ang mga simulation exercises ng MDRRRMO na nagtayo ng advanced medical post sa Kartilya ng Katipunan upang magbigay ng tulong sa mga minor casualties sa "Nazareno 2024" events.

Sinabi ni Angeles na ang advanced medical post ay may kabuuang 30 higaan para sa iba’t ibang kaso at isang incident command post na siyang magpapasilidad at mag-o-organisa sa deployment ng kanilang 1,000 personnel, 34 fire assets, 46 ambulansiya, 10 rescue boats, anim na utility vehicles, at 12 K9 units.

Nitong Sabado, pinangunahan din ni Lacuna ang send-off ceremony para sa 15,276 pulis at security at safety personnel para sa mapayapa at maayos na pagdaraos ng mga aktibidad para sa Pista ng Itim na Nazareno.

Ang mga naturang personnel ay ipapakalat sa mga istratehikong lugar, gaya ng Quirino Grandstand, Quiapo Church at maging sa ruta ng prusisyon.

Noong nakaraang taon, sa halip na 'Traslacion,' ay isang "Walk of Faith" ang idinaos para sa Pista ng Itim na Nazareno, na dinaluhan ng may 90,000 deboto.