Katolisismo ang isa sa pinakamalaking impluwensiyang naibigay ng mga Kastilang mananakop sa Pilipinas mula noong una silang dumating dito sa kapuluan noong 1521 sa pangunguna ni Ferdinand Magellan. 

At hanggang ngayon, nananatili ang impluwensiyang ito sa marami nating mga kababayan sa kabila ng mga bagong nagsulputang relihiyon sa pagi-pagitan ng panahon.

Sa katunayan, ayon sa Annuario Pontificio, ang statistical yearbook ng Vatican, Pilipinas pa rin daw ang may pinakamaraming bilang ng mga Katoliko sa buong Asya. 

Kaya hindi nakapagtataka na talagang dinudumog ang mga pagdiriwang na nakakabit sa relihiyong ito. 

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Isa sa mga dinadagsang pagdiriwang sa Pilipinas ay ang Pista ng Itim na Nazareno na ginaganap sa Quiapo sa Maynila tuwing ika-9 ng Enero taun-taon na talagang dinarayo ng milyon-milyong deboto. 

Isinasagawa sa araw na ito ang “traslacion” o iyong paglilipat ng itim na rebultong kahoy ni Hesu-Kristo na may pasan-pasang krus mula sa Quirino Grandstand patungong Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo. 

Habang ipinaparada ang rebulto sakay ng andas, naghahagis ang mga deboto ng panyo o tuwalya sa hijos na nasa karosa para ipunas sa Itim na Nazareno at ibalik sa kanila.

Pero may ilan ding mga deboto na mapangahas at matapang na sinusuong ang dagat ng mga tao para lang makalapit at makahalik sa rebulto ng poon.

Naniniwala kasi ang mga deboto na sa pamamagitan ng mga ritwal na ito, pagagalingin sila ng Itim na Nazareno sa anomang karamdamang mayroon sila o ang kanilang mga mahal sa buhay. 

Isa rin umanong anyo ng pasasalamat ang pakikilahok sa pagdiriwang na ito para sa mga kahilingan tinupad na ng poon.

Pero saan nga ba nagmula ang Itim na Nazareno?

Ayon sa mga tala, galing daw ang imahe ng Mahal na Nazareno sa isang nasunog na galyon mula sa bansang Mexico noong 1606. 

Pero taliwas sa paniniwala ng marami, hindi raw epekto ng sunog ang dahilan kung bakit ganoon ang kulay ng rebulto ng Nazareno. Ang totoong dahilan daw, gawa umano ito sa itim na kahoy na kung tawagin ay Mesquite.

Ipinagpapalagay kasi na gusto raw ng iskultor ng naturang rebulto na maging kakulay niya ang kaniyang likha upang maiba sa karaniwang kulay ni Hesus na laging maputi. Kaya gayon na lamang siguro kung dumugin ng mga debotong Pilipino ang Itim na Nazareno. 

Sabi nga ng historyador na si Xiao Chua sa eksklusibong panayam ng GMA News “Stand For Truth”, malaking salik daw ang kulay ng Itim na Nazareno kung bakit naging malapit ito sa maraming Pilipino.

"In many ways that color of the Nazareno became a magnet to Filipinos, kasi kakulay natin siya, kamukha natin. Tapos nagbubuhat ng krus, naghihirap, nagsa-suffer katulad natin. Kaya sa maraming Pilipino nagkaroon siya ng koneksyon na si Hesus, nakipag-kapwa tao ang Diyos sa atin," saad ng historyador.