Unang araw pa lamang ng pagbubukas ng 2023 Metro Manila Film Festival o MMFF sa mga sinehan ay trending na agad ang apat sa 10 entries na pamimilian ng moviegoers.
Isa na rito ang "Rewind" ng Star Cinema, ang movie outlet ng ABS-CBN sa direksyon ni Mae Cruz Alviar.
MAKI-BALITA: ‘Salpukan na!’ Tatlong pelikula ng 2023 MMFF trending na
Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi Kapamilya stars ang naging bida rito kundi ang mag-asawa at tinatawag na "Kapuso Primetime King and Queen" na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, o sikat na sikat sa tambalang "DongYan."
Ito ang comeback movie ng reel at real-life couple makalipas ang 13 taon.
Sa success ng pelikula sa takilya, nag-aaway-away at nagdidiskusyunan ang mga netizen kung sino nga ba ang "bumuhat" dito.
Ang branding at legacy ba ng Star Cinema na subok na sa paggawa ng de-kalibre at box-office movies?
O ang kasikatan at acting prowess ng DongYan?
May mga nagsasabi kasing kahit itinuturing na Kapuso royalty couple ang mag-asawa pagdating sa mga teleserye ng GMA Network, wala pa raw box-office movie ang dalawa individually, lalo na raw si Marian.
Bagama't hindi ito ang unang beses na napanood si Marian sa isang Star Cinema movie.
Naging bahagi si Marian ng "Ekstra" na patungkol sa bit players at Kung Fu Divas na pinagsamahan naman nila ni Ai Ai Delas Alas.
Si Dingdong naman ay "suki" na sa Star Cinema dahil naging cast member siya ng "She's The One" noong 2013 kasama sina Enrique Gil at Bea Alonzo.
Bukod dito, nakabilang din ang aktor-TV host sa iba pang Star Cinema movies gaya ng "Segunda Mano," "One More Try" at "Seven Sundays."
Kaya sey ng solid Kapamilya fans, kung hindi raw sa Star Cinema, hindi maipakikita nina Marian at Dingdong ang ganap na husay nila sa pag-arte sa big screen.
Ironic daw na ang nagbigay pa ng quality comeback movie sa mag-asawa ay Star Cinema at hindi ang GMA Pictures, na movie outlet naman ng Kapuso Network.
Samantala, binabarda naman ng Kapuso fans ang Kapamilya fans na nagsasabing Star Cinema ang naging dahilan upang magkaroon ng de-kalidad na pelikula sina Dingdong at Marian, na hindi raw nagawa sa movie outlet ng kanilang home network.
"Ginamit" pa raw ang kasikatan ng Kapuso couple A-listers, at matagal na raw sikat ang mag-asawa kahit hindi sila mag-Star Cinema.
Narito ang ilan sa mga sey ng netizens ng dalawang kampo:
"Kung hindi pa dahil sa Star Cinema, hindi pa magiging box-office king and queen."
"Akalain mo bang ang STAR CINEMA ng ABS-CBN pa ang magbigay sa kanila ng ganitong de-kalibreng pelikula??? 😳 Mahusay!!!👏❤️👏💚👏💙."
"Sumakay na naman ang Star Cinema sa kasikatan ng Kapuso artists. Gaya sa HLG, si Alden naman talaga ang nagdala no'n."
"Napaka-ironic na hindi man lang nagawang maging Movie Box Office King and Queen ng GMA ang A-listers nila, kailangan pang pumakabilang-bakod eh.
"Well, alam naman ng lahat na kapag Tatak Star Cinema, talagang maganda 'yan. Try n'yong ibang movie outlet ang magbigay ng comeback sa dalawa na 'yan."
"Good story and quality project ang kailangan talaga ng DongYan para naman mas sumikat at mapalabas pa ang acting prowess nila. Nagawa naman 'yan ng Star Cinema. Congrats!"
"Challenge ngayon sa GMA Pictures na makapag-provide sila ng quality movie sa dalawa, para ma-prove nila na talagang malakas ang DongYan, at hindi dahil sa kung ano ang production company."
Pero ang tanong dito, hindi ba puwedeng pareho lang namang nag-benefit ang dalawang kampo?