Siniguro ng Department of Health (DOH) na ang mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ay nananatili pa ring mabisa laban sa JN.1, na bagong subvariant ng Omicron.
Sa isang panayam nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na wala pa silang natatanggap na anumang ebidensya na ang bakunang itinurok sa mamamayan, at maging ang mga bagong bakuna sa ibang bansa, ay wala nang proteksyon laban sa mga nagsusulputang subvariant ng Covid-19.
Sa datos ng DOH, nakapagtala pa sila ng 18 kaso ng JN.1 sa bansa, at ang lahat ng mga ito ay nakarekober na mula sa karamdaman.
Tiniyak naman ni Tayag na kahit magaling na ang mga pasyente ay nananatiling nakabantay at nagmamanman ang DOH laban sa naturang bagong subvariant, lalo na at naideklara itong isang variant of interest ng World Health Organization (WHO).
Paniniyak pa Tayag, wala pa ring nakikitang dahilan ang DOH upang ibalik na ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa bansa.