Isasalang sa paraffin test ang mga kasamahan sa bahay ng beteranong aktor na si Ronaldo Valdez (James Gibbs sa tunay na buhay) kasunod ng umano'y insidente ng pagpapakamatay nito sa Quezon City nitong Linggo, Disyembre 17.

Ito ang kinumpirma ni Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit chief, Maj. Don Don Llapitan sa isang television interview nitong Lunes.

Binanggit ng opisyal, ang nasabing hakbang ay bahagi lamang ng standardard operating procedure (SOP) para sa kahalintulad na insidente upang madetermina kung nagkaroon ng krimen.

National

36 milyong pending na National ID, kailangan ng malaking pondo para ma-release<b>—PSA</b>

Paglilinaw ni Llapitan, hindi nangangahulugang sangkot sa insidente ang mga kasamahan ni Valdez sa bahay.

Sa report ng pulisya, natagpuang walang malay ang aktor sa loob ng kuwarto ng kanyang bahay sa New Manila, Quezon City dakong 3:00 ng hapon.

Hawak pa umano ng aktor ang isang baril at nakita rin ang isang tama ng bala sa kanang sentido nito.

Dead on arrival sa ospital ang aktor, ayon sa pulisya.

Sinabi pa ni Llapitan, hihintayin muna nila ang resulta ng paraffin at ballistic tests bago sila makapagbigay ng matibay na impormasyon sa kaso.

Matatandaang nagsimula ang showbiz career ni Valdez noong 1966 hanggang sa naging matagumpay na aktor sa pelikula at telebisyon.

Si Valdez ay ama nina Janno Gibbs at Melissa Gibbs.