Kung mayroong magandang nangyari noong panahon ng pandemya, iyon ay ang naging smog-free ang kalangitan. Ito ay isang pangyayaring naobserbahan sa karamihan ng mga lungsod sa buong mundo. Kung napanatili natin ito kahit pagkatapos ng Covid, maraming buhay pa sana ang ating maililigtas, kabilang ang hindi bababa sa pitong milyon na namamatay bawat taon dahil sa polusyon sa hangin, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ngunit sadyang may mga bagay na mahirap mawala, kabilang ang polusyon mula sa isa sa mga malaki ang ambag sa greenhouse gas emissions (GHG)—ang transportasyon, na responsable para sa isang-katlo (1/3) ng carbon dioxide (CO2) emissions na nagmumula sa enerhiya na direktang ginagamit ng consumer.
Sa katunayan, noong 2021 ay nasa 76.6 porsiyento ng mga CO2 emission ng transportasyon ay mula sa mga kotse, trak, at iba pang sasakyang panlupa. Ito ay mas mataas ng walong porsiyento kumpara noong 2020.
Sa COP26, ang climate conference na ginanap sa Glasgow noong 2021, ang Zero Emission Vehicles (ZEV) Declaration ay inilunsad upang pabilisin ang paglipat sa isang climate-neutral na sektor ng transportasyon.
Ang pangunahing target ay gawing zero emission ang lahat ng kotse at van na ibinebenta pagsapit ng 2040, at hindi lalampas ng 2035 sa mga nangungunang merkado.
Sa pangunguna ng mga pamahalaan, dapat silang maglagay ng mga patakaran na magbibigay-daan, magpapabilis, o magbibigay ng mga insentibo sa paglipat sa ZEV sa lalong madaling panahon. Ang mga automotive manufacturer, business fleet owners at operators, investors, at financial institutions ay hinihikayat din na magkaroon ng aktibong papel sa pag-abot ng mga layuning ito.
Ayon sa International Energy Agency (IEA), patuloy na tumataas ang bahagi ng mga de-kuryenteng sasakyan sa kabuuang benta ng mga sasakyan—mula sa humigit-kumulang apat na porsiyento noong 2020, ito ay umakyat na sa 14 porsiyento noong 2022.
Para sa unang quarter ng 2023, mahigit 2.3 milyong electric cars ang naibenta. Ang bilang ay 25 porsiyento na higit pa kaysa sa parehong panahon ng 2022. Ang kasalukuyang pagtatantiya ay aabot ito sa 14 milyon sa pagtatapos ng taon.
Kung magpapatuloy ang ganito, ang lumalaking suporta para sa mga de-kuryenteng sasakyan ay maaaring makabawas sa pangangailangan ng langis ng limang milyong bariles kada araw pagdating ng 2030, ayon sa IEA.
Sa mga tuntunin ng pamamahala, ang isa sa mga nangungunang bansa ay ang UK, na naglalayong ihatid ang pangako na makamit ang 100 porsiyentong ZEV sa 2035.
Nagtakda na ito ng target: 80 porsiyento ng mga bagong kotse at 70 porsiyento ng mga bagong van na ibinebenta sa UK ay nakatakdang maging zero emission sa 2030, tataas ito hanggang maging 100 porsyento sa 2035.
Ngunit ang ilang mga manufacturer ay nagpaplano na maabot ang 100 porsiyento nang mas maaga. Noong Agosto, 20 porsiyento ng mga bagong sasakyan na naibenta ay zero emission, at mayroon na ngayong 48,100 pampublikong chargepoint, bilang karagdagan sa mga chargepoint na naka-install sa mga tahanan.
Ang diskarte ng UK ay suportado ng higit sa £2 bilyon sa pamumuhunan ng gobyerno. Bukod dito, ang gobyerno ng UK ay nagpasimula ng ilang mga panukala upang babaan ang bayad sa pagmamay-ari ng isang electronic vehicle.
Sa Pilipinas, nilalayon ng Department of Energy (DOE) na pataasin ang pagpapalabas ng mga de-kuryenteng sasakyan sa tulong ng Republic Act No. 11697, o ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), na nagtatakda para sa isang pambansang patakaran upang bumuo at palakasin ang industriya ng de-kuryenteng sasakyan sa bansa.
Noong 2022, may 9,000 na pinarehistrong EVs at 327 na charging stations ang gumagana, ayon sa DOE. Ang nais ng ahensya ay makabuo ng EV fleet na may 2.45 milyon na mga kotse, traysikel, motorsiklo, at bus simula 2023 hanggang 2028; at ang paglalagay ng 65,000 EV charging stations sa buong bansa. Simula 2029 hanggang 2034, layunin nito na magdagdag ng 1.85 milyon na mga EV sa lansangan at 42,000 na mga charging station.
Bukod dito, ang pagpapalabas ng Executive Order No. 12 series of 2023, na nagpahinto o nagbawas sa import duty ng mga electric vehicle sa susunod na limang taon, ay nakikitang makatutulong sa mainstream na paggamit ng EV sa bansa.
Ngunit para maging tunay na zero emission ang mga de-kuryenteng sasakyan, kailangan din nating itulak ang mas maraming renewable energy sources sa halip na coal, para maging 100 percent zero emission din ang kuryenteng magpapagana sa mga ZEV na ito.