Inihayag ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, pangulo ng Philippine College of Physicians, na hindi dapat ikaalarma ng publiko ang sakit na mycoplasma pneumoniae o mas kilala sa tawag na "walking pneumonia."
Ayon kay Solante, ang organismong nagdudulot ng naturang sakit ay matagal nang nasa ating ‘setting’ sa mga nakalipas na taon.
Nagkataon lamang aniya na gumaganda na ang surveillance, natukoy na ang mikrobyo ng sakit at panahon ngayon nang pagkalat ng mga respiratory illnesses.
"This is not something to be alarmed with. Hindi tayo mag-panic. Itong mga organism na ito, walking pneumonia, influenza, this has been in our setting for the past several years," paliwanag ni Solante sa TeleRadyo Serbisyo. "Nagkakataon lang ngayon na medyo gumaganda na ang surveillance at naa-identify na natin itong mga mikrobyo na ito. Pangalawa, this is the season where...we can really see a lot of these respiratory illnesses.”
Sinabi ni Solante na ang sakit ay tinawag na walking pneumonia dahil karaniwan nang hindi alam ng isang tao na siya ay may sakit.
Karaniwan na aniyang walang sintomas ang walking pneumonia at bihira lang ang mga pasyenteng nakikitaan ng sintomas, na karaniwan pa ay mild lamang.
Ilan sa mga sintomas ng karamdaman ay pito hanggang 10-araw na ubo, sipon at pananakit ng lalamunan. Minsan ay nilalagnat umano ang pasyente at karaniwang hindi na nangangailangan ng antibiotics.
Una nang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na sila ng apat na kaso ng walking pneumonia mula sa mga kaso ng ILIs na naitala sa bansa ngunit pawang nakarekober na ang mga ito.