Pinagdasal ni Pope Francis ang mga biktima ng nangyaring pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo, Disyembre 3.
Sa kaniyang X post nitong Linggo ng gabi, inihayag ng pope na malapit sa kaniya ang mga pamilya sa Mindanao na nakaranas na umano ng maraming pagdurusa.
“I wish to assure my prayer for the victims of the attack that occurred this morning in the Philippines, where a bomb exploded during Mass,” ani Pope Francis sa kaniyang post.
“I am close to the families and the people of Mindanao, who have already suffered so much,” saad pa niya.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), naganap ang naturang pagsabog dakong 7:10 ng umaga sa Dimaparo Gymnasium ng MSU habang dumadalo umano ng Banal na Misa ang mga estudyante at kawani ng unibersidad.
Nagpapatuloy umano ang imbestigasyon hinggil nasabing pambobomba nagdulot ng pagkasawi ng ilang mga indibidwal at pagkasugat ng iba pa.
Matatandaan namang nagpahayag din ng pagkondena ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa insidente.