₱805,000 kush mula U.S., nasamsam sa Clark
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit sa ₱805,000 halaga ng high-grade marijuana o kush matapos dumating sa Port of Clark mula sa Amerika kamakailan.
Sinabi ng BOC, ang ilegal na droga na umabot sa 488 gramo ay nabisto matapos itago sa isang package na naunang idineklara bilang "replacement filter" mula sa California.
Paliwanag ng Customs, nagduda sila sa naturang package kaya isinailalim ito sa X-ray scanning at natuklasang naglalaman ito ng illegal drugs.
Isinailalim din ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa chemical laboratory analysis ang samples at nakumpirma na isa itong high-grade marijuana.
“The Bureau of Customs pledges to prevent smuggling and protect the country’s borders and our citizens’ well-being against the dangers of illegal drugs,” pahayag pa ng BOC.