Solong napanalunan ng isang Manilenyo ang nasa mahigit sa ₱28.6 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Huwebes ng gabi.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination na 36-38-29-37-41-30 ng Lotto 6/42.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Dahil dito, napanalunan niya ang katumbas nitong jackpot prize na ₱28,612,882.60.

Nabili umano ng lucky bettor ang kanyang lucky ticket sa SM San Lazaro, sa Maynila.

Upang makubra ang kanyang premyo, pinayuhan naman ni PCSO General Manager Mel Robles ang lucky winner na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay pinapatawan ng 20% buwis, alinsunod sa TRAIN Law.

Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Muli ring nanawagan si Robles sa publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Lotto 6/42 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.