Sadyang napakahalaga ng transportasyon sa ating buhay. Naaapektuhan nito ang halos lahat ng aspeto nito—mula sa ating pag-access sa pagkain at mga pangunahing pangangailangan, paaralan, trabaho, pangangalaga sa kalusugan, at iba pang mga serbisyo. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang mga kalsada at tulay—upang gawing mas madali ang transportasyon, upang mas maraming tao ang magkaroon ng mas mahusay na access sa kanilang mga pangangailangan at mas maraming pagkakataon ang inilatag para sa populasyon, tulad ng mga magsasaka at negosyante na nakakakuha ng mas mahusay na access sa mas malawak na merkado.
Ngunit ang transportasyon ay isa ring nangungunang sanhi ng mga greenhouse gas emissions, na siyang pangunahing sanhi ng pagbabago ng klima na nagdudulot ng unti-unting pagtutunaw ng mga glacier, na nagiging sanhi ng ocean acidification, at pagtaas ng lebel ng dagat, bukod sa marami pang ibang epekto.
Ayon sa ulat ng United Nations Interagency para sa ikalawang Global Sustainable Transport Conference na inilathala noong 2021, ang transportasyon ay may pananagutan sa halos isang-kapat (1/4) ng direktang carbon dioxide emissions mula sa fossil fuel combustion.
Alinsunod dito, noong Mayo 16, 2023, pinagtibay ng United Nations General Assembly ang isang resolusyon na ipagdiwang ang World Sustainable Transport Day tuwing Nobyembre 26, simula ngayong taon. Nilalayon nitong harapin ang matitinding hamon at tukuyin ang mga pagkakataon para sa sustainable mobility na naaayon sa Sustainable Development Goals (SDGs).
Ang World Sustainable Transport Day ay nagtataguyod para sa ligtas, abot-kaya, naa-access at napapanatiling mga sistema ng transportasyon. Ito ay magpapasigla sa mga pagpapahusay ng intermodal transport connectivity, pagtataguyod ng environment-friendly na transportasyon, at pagbuo ng socially-inclusive na imprastraktura ng transportasyon.
Layunin din nitong hikayatin ang mga indibiduwal na tingnan kung paano sila makapag-aambag sa pagbabawas ng kanilang carbon footprint sa pamamagitan ng pagsuporta sa sustainable na transportasyon.
Batay sa mga istatistika ng UN, ang average na taunang carbon footprint bawat indibiduwal ay 5.9 tonelada. Ang pamumuhay na walang kotse ay maaaring makabawas sa taunang carbon footprint na ito ng hanggang 3.6 tonelada; habang ang paglipat mula sa isang regular na sasakyan patungo sa isang electri vehicle (EV) ay maaaring makabawas sa carbon footprint na ito ng dalawang tonelada bawat taon.
Makabubuti rin para sa ating kalusugan at sa ating kapaligiran kung pipiliin natin ang paglalakad o pagbibisikleta hangga't maaari.
Dito sa Pilipinas, may mga pagsisikap na gawing bike-friendly ang ating mga kalsada at komunidad.
Ang 6.94-kilometrong Laguna Lake Expressway na inilunsad noong 2018 sa ilalim ng Build Build Build program, ay nagtatampok ng tatlong metrong lapad na protektadong bicycle lane.
Bukod dito, naitayo na ang Cagayan de Oro (CDO) Coastal Road, Davao City Coastal Road, Leyte Tide Embankment Project, Pasig River Flood Control Project, Tagaytay Bypass Road, Bacolod Economic Highway, Antique Esplanade, Sorsogon Coastal Highway at Boracay Circumferential Road na may mga daanan ng bisikleta.
Ang pagtataguyod at pagsuporta para sa paglalakad, pagbibisikleta, at iba pang napapanatiling mga opsyon sa transportasyon ay maaaring isang simpleng pagkilos, ngunit maaari itong magkaroon ng pangmatagalang epekto sa ating mga komunidad, sa mundo, at pati na rin sa ating sariling buhay. Ngunit higit sa suporta, ang dapat gawin ng bawat isa sa atin ay ang aktwal na paggawa sa mga aksyong ito.