“Huwag nang ipagkait ang hustisyang ilang taon nang isinisigaw ng taong-bayan.”

Ito ang binigyang-diin ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro sa gitna ng kaniyang pagkondena sa pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inihayag ni VP Duterte nitong Lunes, Nobyembre 27, na patuloy na aapela ang kaniyang tanggapan sa Department of Justice (DOJ) na huwag makipagtulungan sa ICC hinggil sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyon ng kaniyang ama.

VP Sara, aapela sa DOJ hinggil sa imbestigasyon ng ICC sa PH

Sa isa namang pahayag nitong Martes, Nobyembre 28, iginiit ni Castro na kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2018, hindi raw ibig sabihin na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa kasong “crime against humanity” na isinampa laban kay dating Pangulong Duterte.

“Nakasaad sa Article 127 ng Rome Statute na isang taon bago magkakabisa ang withdrawal ng isang bansa mula dito. Dagdag pa rito, kung mayroon nang on-going na criminal investigation o proceedings bago pa man naging effective ang withdrawal, kailangan pa ring makipagtulungan ng withdrawing State sa imbestigasyon ng ICC,” aniya.

“No one is above the law. Libu-libo ang pinatay sa [war on drugs] ng tatay ni VP Duterte na hanggang ngayon ay hindi pa nakakamit ang katarungan. Paano na sila?”

“Kaya din ba ayaw makipagtulungan ni VP Duterte sa ICC ay dahil ma-uungkat ang pagkakasangkot niya sa mga EJKs tulad ng sinabi ni Arturo Lascanas sa kanyang affidavit na isinumite sa ICC?” giit pa ni Castro.

Binanggit din ng mambabatas ang pahayag kamakailan ng dating pangulo sa isang panayam sa telebisyon ng SMNI na ginamit umano ang intelligence fund nito sa “pagpatay” sa Davao.

“Ang intelligence fund, binili ko. Pinapatay ko lahat, kaya gano’n ang Davao… Pinatigok ko talaga, ‘yun ang totoo,” saad ni dating Pangulong Duterte kamakailan sa isang video na ipinadala naman umano nina dating Senador Antonio Trillanes IV sa ICC bilang ebidensya.

https://balita.net.ph/2023/10/17/tv-footage-ng-pahayag-ni-ex-pres-duterte-tungkol-sa-ejk-natanggap-na-ng-icc-trillanes/

“Kaya marapat na bumalik na ang Pilipinas sa ICC at mabuti na inaaral na ang administrasyong Marcos ang muling maging kasapi nito,” ani Castro.

“Justice delayed is justice denied. Huwag nang ipagkait ang hustisyang ilang taon nang isinisigaw ng taong-bayan.”

“Kung kaya pinapanawagan ng Koalisyong Makabayan, kasama ang taong-bayan, na makipag-cooperate ang gobyerno ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC tungkol sa alegasyon ng crime against humanity committed in the Duterte administration’s bloody war on drugs,” saad pa niya.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan na pinag-aaralan umano ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC.

https://balita.net.ph/2023/11/24/pbbm-sa-posibleng-pagbabalik-ng-pinas-sa-icc-thats-under-study/

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.