Pinabulaanan ni House Speaker Martin Romualdez ang alegasyon ni dating presidential spokesperson Harry Roque na siya ang nasa likod ng “anti-Duterte” resolution sa Kamara at nais niyang mapatalsik si Vice President Sara Duterte.

Sinabi ito ni Romualdez sa isang press conference nitong Huwebes, Nobyembre 23, sa gitna ng pagsisimula ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) sa Pasay City.

"Our good friend former Secretary Harry Roque must have thoughts that well, he’s got his ideas, we respect his thoughts and opinions but they’re not accurate," ani Romualdez.

"So I'll just put it to that. There’s nothing to wit, a lot of speculation, but none of that is true," saad pa niya.

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, magde-demand ng audit ‘pag tumakbo bilang Pangulo si Romualdez

Matatandaang iginiit kamakailan ni Roque, isang kaibigan ni Vice President Duterte, na si Romualdez umano ang nasa likod ng resolusyong nag-uudyok sa pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) ukol sa pag-imbestiga nito sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Romualdez ang tumayong campaign manager ni VP Duterte nang tumakbo ito bilang bise presidente noong nakaraang taon.

Samantala, nagkaroon ng umano’y “lamat” ang pagsasama ng dalawa dahil sa nabigong pagtatangka umanong kudeta laban kay Romualdez ni dating pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na nawalan ng posisyon sa Kamara.

Tila kinampihan naman umano ni Duterte si Arroyo nang magbitiw siya sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), na pinamumunuan ng Romualdez, matapos mapababa ang dating pangulo sa kaniyang dating puwesto bilang senior deputy speaker.

Bukod dito, kamakailan lamang ay pinatutsadahan din ni dating Pangulong Duterte si Romualdez at sinabing inaatake umano nito ang kaniyang anak dahil nagbabalak daw itong tumakbo sa 2028 presidential elections.

“‘Yang si Romualdez, he’s wallowing–Alam mo kasi, ewan ko kung bakit inaano niya si Inday (VP Sara). Si Inday naman is perceived to be a good candidate. But I’m saying now that Inday, as far as I’m concerned, should not run for president,” saad ni dating Pangulong Duterte kamakailan.

Samantala, sinagot naman kamakailan ni Romualdez ang patutsada ng dating pangulo at sinabing hindi umano ito ang panahon para sa politika.

https://balita.net.ph/2023/11/17/romualdez-sa-patutsada-ni-duterte-di-eleksyon-ang-sagot-sa-sikmurang-gutom/