Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na sisimulan na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pamimigay ng Christmas gift boxes para sa kanilang mga residente.
Ayon kay Lacuna, ang distribusyon ng naturang gift boxes ay isasagawa simula sa Disyembre 1 hanggang Disyembre 12, 2023 upang masigurong walang pamilyang magugutom sa Araw ng Kapaskuhan, dahil mayroon silang pagsasaluhan para sa nasabing okasyon.
Sa kanyang panig, sinabi ni Manila Social Welfare chief Re Fugoso na nasa 695,000 ang kabuuang gift boxes na ipamimigay nila sa lahat ng pamilyang naninirahan sa lungsod.
Ang bawat kahon aniya ay naglalaman ng Noche Buena items, gaya ng spaghetti noodles at sauce, fruit cocktail, bigas at all-purpose cream, at iba pa.
Tiniyak naman ni Lacuna na lahat ng pamilya ay kasali, anuman ang kanilang estado sa buhay, dahil ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay laging sumusunod sa policy of inclusivity.
Samantala, inanunsyo din ni Lacuna na may hiwalay na Pamaskong regalo ang may 180,000 senior citizens ng lungsod.
Ito ay ipamimigay naman sa buong lungsod ng Maynila simula Disyembre 13 hanggang 15, 2023.
Una nang inanunsiyo ni Lacuna na ang lahat ng monthly financial aid para sa senior citizens, solo parents at persons with disabilities (PWDs) sa natitirang buwan hanggang Disyembre ay ipamimigay na din simula sa unang linggo ng Disyembre.
Pinasalamatan din naman ng alkalde ang ginawang hakbang ng Vice Mayor at Council Presiding Officer Yul Servo gayundin ang mga miyembro ng Manila City Council dahil sa pagpasa ng ordinansa para sa kapakanan ng mga mamamayan ng walang problema.