Ang kultura ay isang likas na bahagi ng pagkakakilanlan ng isang indibiduwal; at isang mahalagang bahagi ng kultura ay ang wika, na mahalaga para sa komunikasyon, sa pagbuo ng mga relasyon, at sa paglikha ng isang komunidad.

Sa buong mundo, may humigit-kumulang 7,000 na mga wika, kalahati nito ay nanganganib na, ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Kapag ang isang wika ay naglaho, ang isang buong sistema ng tradisyonal na kaalaman at paniniwala na kaakibat ng wikang iyon ay titigil din. Ano na lamang ang matitira sa buong pamana na nabuhay sa wika at kulturang iyon, sa kanilang kasaysayan at paniniwala, sa kanilang kontribusyon sa lipunan at sibilisasyon?

May mga pagsisikap na iligtas ang naglalahong mga wika at maiwasang mangyari ito sa ibang mga katutubong wika. Idineklara ng United Nations General Assembly ang 2022-2032 na International Decade of Indigenous Languages (IDIL) upang tumulong sa pagtataguyod at pagprotekta sa mga katutubong wika at pagpapabuti ng buhay ng mga gumagamit sa mga wikang ito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 4.8

Sa ating sarili, sa ating mga bansa, sa ating sariling mga komunidad, dapat tayong magsimula ng mga aksyon upang mapanatili, buhayin, at itaguyod ang ating katutubong wika.

Sa Pilipinas, mayroon tayong tinatayang 135 na mga wika, ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang KWF ay nagsasagawa ng dokumentasyon ng mga katutubong wikang ito upang makatulong na mas maprotektahan at mapangalagaan ang mga ito.

Naniniwala ako na ang isang napaka-epektibong paraan sa pagtataguyod at pagpapanatili ng ating mga katutubong wika ay ang pagsulat gamit ang mga ito. Kapag nakapagsulat na tayo ng mga artikulo at aklat sa ating lokal na mga wika, ang mga nagsasalita nito ay maaaring mahikayat na patuloy na gamitin ang katutubong wika sa pagsasalita at pagsusulat; samantalang ang mga gustong matuto nito ay magkakaroon ng mga kagamitan.

Kailangan nating pagyamanin ang panitikang Filipino na nakasulat sa katutubong wika upang buhayin ang yaman ng magkakaibang kultura ng ating bansa. Maaari tayong magsimula sa pagsalin ng mga aklat ng mga Pilipinong manunulat mula sa Ingles sa Filipino at sa wika ng rehiyon na pinagmulan ng may-akda. Kung gagawin ito ng bawat Pilipinong may-akda, mabilis na lalawak ang ating katutubong panitikan sa mga susunod na taon.

Naniniwala ako na responsibilidad din ng isang manunulat na tumulong sa pagpapanatili ng kaniyang sariling wika. Nagbibigay-pugay tayo sa ating mga ninuno at sa ating mga tradisyon kapag ibinalik natin ang ating mga talento sa pamamagitan ng pagpapayaman sa ating kultura.

Huwag tayong matakot sa mga aklat na mangolekta ng alikabok sa mga estante. Mayroon nang internet at social media na maaaring maging repositoryo ng mga aklat na ito.

May mga institusyon din na malugod ang pagyakap sa panitikan sa iba't ibang wika. Isa na riyan ang Harvard Kennedy School Library na tumatanggap ng mga aklat sa wikang Filipino upang maging bahagi ng kanilang katalogo.

Maraming handang sumuporta sa mga ganitong hakbangin. Masuwerte rin ako na ang aking publisher, ang Manila Bulletin, ay lubos na sumusuporta sa pagsisikap na ito para sa aking aklat, ang Night Owl: A Nationbuilder’s Manual, na maisalin sa Filipino, Ilokano, Bisaya, at Hiligaynon.

Sabi nga nila, hindi tayo dapat matakot sa hinaharap kahit wala itong kasiguraduhan. Sa palagay ko, dapat din tayong maging walang takot na lumingon sa ating pinanggalingan at tingnan kung paano tayo makapag-aambag sa pagpapanatili, pagpapayaman, at pagpapalaganap ng wika, kultura, at tradisyon na humubog sa atin bilang mga mamamayang handa sa hinaharap.