Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 24, bunsod ng northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Bicol Region, Aklan, Capiz, Northern Samar, Eastern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental dulot ng shear line at easterlies.

Ayon sa PAGASA, ang shear line ay tumutukoy sa banggaan ng mainit at malamig na hangin, habang easterlies ay ang mainit na hanging nanggagaling sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

National

Ex-VP Leni sa pagsalubong niya kay PBBM: ‘Isang pagbibigay-respeto sa posisyon’

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, Isabela, at Quirino dahil naman sa amihan.

Inihayag din ng PAGASA na maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Mertro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng easterlies at localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala umano silang binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).