Inanunsyo ng pangulo ng transport group Manibela na si Mar Valbuena na magsasagawa rin sila ng 3-day nationwide transport strike simula bukas ng Miyerkules, Nobyembre 22.
Ayon kay Valbuena, isasagawa nila ang kanilang malawakang tigil-pasada simula bukas hanggang sa Biyernes, Nobyembre 24.
Ang naturang transport strike ay bilang pagprotesta umano sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan. Sa darating na Disyembre 31, 2023 ang nakatakdang deadline ng pamahalaan para mag-comply ang mga tsuper sa guidelines ng PUVMP.
Matatandaang nagsagawa rin ang naturang grupo ng tigil-pasada noong Oktubre 2023 dahil sa parehong dahilan.
MAKI-BALITA: Nationwide transport strike, kasado na sa Lunes
Bago ang naturang deklarasyon ng Manibela, sinimulan na ng transport group na PISTON ang kanilang isinasagawang 3-day transport strike nitong Lunes, Nobyembre 20.
MAKI-BALITA: 3-day transport strike isasagawa mula Nobyembre 20
Kaugnay ng naturang nationwide transport strike, ilang mga lugar sa bansa ang nagdeklara ng suspensiyon ng face-to-face classes simula ngayong Lunes, Nobyembre 20.
Matatandaan na taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.