Nagdeklara na ng suspensiyon ng face-to-face classes ang ilang mga lugar sa bansa simula bukas ng Lunes, Nobyembre 20, dahil sa isasagawang nationwide transport strike bilang pagprotesta ng transport group na PISTON sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon sa PISTON noong Miyerkules, Nobyembre 15, isasagawa nila ang transport strike simula bukas hanggang sa Huwebes, Nobyembre 23.
MAKI-BALITA: 3-day transport strike isasagawa mula Nobyembre 20
Kaugnay nito, narito ang mga unibersidad o paaralan na nagsuspinde ng kanilang face-to-face classes:
- Adamson University (Nobyembre 20)
- Arellano University (Nobyembre 20-22)
- Ateneo de Manila University (Nobyembre 20-23)
- De La Salle University - Manila (Nobyembre 20-22)
- Far Eastern University - Manila at Makati (Nobyembre 20)
- Mapua University (Nobyembre 20)
- Miriam College Loyola Heights - BEU, SDTEC, at HEU (Nobyembre 20-21)
- Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (Nobyembre 20-22)
- Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (Nobyembre 20-22)
- Polytechnic University of the Philippines (Nobyembre 20-22)
- University of the East - Manila and Caloocan (Nobyembre 20-21)
- University of the Philippines - Diliman (Nobyembre 20-22)
- University of the Philippines - Los Baños (Nobyembre 20)
- University of Santo Tomas (Nobyembre 20)
Narito naman ang mga lokal na pamahalaang nagkansela ng face-to-face classes:
LAHAT NG ANTAS (Public at Private schools)
- Pampanga (Nobyembre 20)
- Cabuyao, Laguna (Nobyembre 20)
- Calamba, Laguna (Nobyembre 20)
- Camalig, Albay (Nobyembre 20)
Pansamantala umanong ililipat sa online/modular ang moda ng klase sa mga nasabing lugar.
[I-refresh lamang ang page na ito para sa #WalangPasok updates]
Matatandaan namang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) kamakailan na hindi umano sila magkakansela ng mga klase simula sa Lunes, at nasa LGUs na raw ang direktiba kung kinakailangan nilang magkansela ng mga klase o hindi.
MAKI-BALITA: DepEd hindi magkakansela ng mga klase dahil sa transpo strike
Hindi ito ang unang beses na maglulunsad ng malawakang tigil-pasada ang transport groups dahil sa pagtutol nila sa jeepney phaseout.
Matatandaang nagsagawa rin ng transport strike ang Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) noong Oktubre bilang pagtutol sa jeepney phaseout.
Bukod dito, matatandaang Marso 6, 2023 nang simulan ng iba’t ibang grupo ang kanila sanang isang linggong tigil-pasada.
Samantala, nagbalik-biyahe rin ang transport groups noong Marso 8, 2023 matapos makipag-dayalogo ang Malacañang at inurong ang pagpapatupad ng naturang modernization program hanggang sa Disyembre 31, 2023.
https://balita.net.ph/2023/03/07/piston-manibela-balik-biyahe-na-bukas-walang-phaseout/
Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.