Nakiisa si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa unang araw ng nationwide transport strike ng transport group na PISTON nitong Lunes, Nobyembre 20, bilang pagtutol sa nakaamba umanong jeepney phaseout sa bansa.

Sa Facebook post ng Kabataan Party-list nitong Lunes, ibinahagi nitong bumisita si Manuel sa isang strike center sa Monumento bago ito pumasok sa opisina sa Kongreso. 

Makikita rin sa mga larawang ibinahagi ng Kabataan Party-list ang larawan ng mambabatas na nakahawak ng karatulang “NO TO JEEPNEY PHASEOUT.”

“Marami sa mga kababayan nating commuter ang nangamba sa epekto ng welga ng mga tsuper at operator ng jeep sa kalsada. Pero sa katunayan higit na marami ang nakakaunawa at sumama pa nga sa strike centers kung saan nagkampo ang mga driver na nag-strike,” pahayag ng Kabataan Party-list sa nasabing post.

Dahil sa transport strike: F2F classes sa ilang lugar sa bansa, sinuspinde

“Di lang abala, kundi malaking sakripisyo ang strike na ito para sa mga driver pero tinaya nila ito para sa kanilang kabuhayan, at para sa pagkamit ng tunay na makamasa at maunlad na pampublikong transportasyon na nakabatay sa pagpapayabong ng ating mga industriya. THIS is the dream, kabataan,” saad pa nito.

Matatandaang ipinahayag ng PISTON noong Miyerkules, Nobyembre 15, na isasagawa nila ang transport strike simula ngayong Lunes hanggang sa Huwebes, Nobyembre 23, bilang pagprotesta sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Sa darating na Disyembre 31, 2023 ang nakatakdang deadline ng pamahalaan para mag-comply ang mga tsuper sa guidelines ng PUVMP.

Ayon sa PISTON, mistulang pinapatay umano ng programa ang kanilang kabuhayan dahil pang-aagaw ito sa kanilang prangkisa at magbibigay-daan sa monopolyo, na kontrolado ng malalaking korporasyon sa transportasyon.

MAKI-BALITA: 3-day transport strike isasagawa mula Nobyembre 20

Kaugnay ng naturang nationwide transport strike, ilang mga lugar sa bansa ang nagdeklara ng suspensiyon ng face-to-face classes simula ngayong Lunes, Nobyembre 20.