Ipinahayag ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na walang nababanggit na pumopostura si House Speaker Martin Romualdez para sa 2028 presidential elections.

Sa isang panayam ng “The Big Story” ng ONE News nitong Huwebes, Nobyembre 16, tinanong si Tulfo hinggil sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules, Nobyembre 15, na may ambisyon umano si Romualdez na tumakbo bilang pangulo ng bansa.

“With regards to that posturing for 2028 elections, wala naman kasing nababanggit,” sagot naman ni Tulfo.

“Kasama ako lagi sa mga meeting ng House leadership ni Speaker, pero wala talagang nababanggit, to be honest, na may plano ‘yung Speaker na tumakbo sa 2028,” saad pa niya.

Duterte sa pagtakbo umano ni Romualdez bilang pangulo: ‘Di ka mananalo’

Matatandaang muling iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang panayam sa “Gikan Sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI noong Miyerkules na nagbabalak umano si Romualdez na tumakbo sa pagkapangulo.

“Romualdez, tatakbo ka na presidente? Hindi ka mananalo sa Leyte. Hanggang sa Leyte lang… dito sa side na Leyte kung saan ako pinanganak, ma-zero-zero ka doon. Lalo na Mindanao, lalo na Bisaya, lalo na mga Tagalog, galit sa inyo,” patutsada pa ng dating pangulo sa house speaker.

Bago ito, pinatutsadahan din kamakailan ni Duterte si Romualdez kung saan sinabi niyang magde-demand siya ng audit kung paano ginastos ni Romualdez ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

https://balita.net.ph/2023/10/13/ex-pres-rodrigo-duterte-magde-demand-ng-audit-pag-tumakbo-bilang-pangulo-si-romualdez/