Pinadalhan ng Quezon City Prosecutor's Office si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng subpoena kaugnay ng kasong “grave threats” na isinampa ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France laban sa kaniya.
Base sa subpoena na may petsang Oktubre 27, 2023, “inutusan” ni Senior Assistant City Prosecutor Ulric Badiola si Duterte na personal na humarap sa darating na Disyembre 4 at 11, 2023 para isumite ang kaniyang counter-affidavit sa reklamo hinggil sa “grave threats” na inihain laban sa kaniya ni Castro.
“No motion to dismiss shall be entertained. Only Counter-Affidavits shall be admitted,” ani Badiola sa naturang subpoena.
Matatandaang noong Oktubre 24, 2023 nang magsampa si Castro ng kasong kriminal laban kay Duterte dahil sa “death threats” umanong binitawan ng dating pangulo laban sa kaniya.
Ito ay kaugnay ng naging patutsada kamakailan ni Duterte kay Castro sa isang panayam ng SMNI, kung saan sinabi niyang gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) ng tanggapan nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.
“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.
https://balita.net.ph/2023/10/12/ex-pres-rodrigo-duterte-nagpatutsada-kay-rep-castro/
Ang naturang pahayag ng dating pangulo kamakailan hinggil sa CIFs ay matapos alisin ng Kamara ang 2024 confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ng kaniyang anak.
https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/
Kaugnay na balita:
https://balita.net.ph/2023/11/10/vp-sara-isinuko-na-rin-hiling-ng-deped-na-2024-confidential-funds/