Umaabot na sa 24,600 ang kabuuang bilang ng mga day care students na inaaruga ng Manila City Government.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Re Fugoso, ang siyang namamahala sa may 462 Day Care Centers na nakakalat sa lungsod.
Sinabi pa ni Lacuna na ang lokal na pamahalaan ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng libreng uniporme tulad ng t-shirt at jogging pants, school supplies, school bags, books at maging hygiene kits.
Kaugnay nito, pinuri ni Lacuna si Fugoso dahil sa pagsasailalim ng social workers ng lungsod sa pagsasanay sa Case Management upang magkaroon sila ng kaalaman kung paano pakikitunguhan ang mga batang drug users.
Iniulat ni Fugoso kay Lacuna na may kabuuang 1,568 street children kasama ang kanilang pamilya ang inaalagaan sa Kamada Center sa loob ng Manila Boys' Town Complex.
"Aktibo ring kumikilos ang ating MDSW upang pangalagaan ang kapakanan, lalo na ng mga batang nasa lansangan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Reception and Action Center, Manila Boystown at iba’t- ibang mga pribadong institusyon," aniya.
"Sa kauna-unahang pagkakataon, noong Abril 12, 2023 ay naisagawa ang pagdiriwang ng National Day for Children in Street Situation sa tulong ng Network of Duty Bearers in Manila," dagdag pa ng alkalde.
Ani Fugoso, ang MDSW ay nagsagawa rin ng 'Webinar on Values Formation for Children In-conflict with the Law (CICL).'
Napag-alaman din na ang bilang ng mga CICL na inaalagaan sa Manila Youth Reception Center ay bumaba na ng 50 percent.
Ang CICL ay tumutukoy sa mga batang wala pang 18-anyos ang edad, na nagkaroon ng problema sa justice system dahil sila ay suspek o inakusahan na gumawa ng krimen.
Dagdag pa rito, ang pamahalaang lungsod sa pakikipagtulungan ng Plan Pilipinas, ay nagsagawa ng Digital Literacy and Online Protection of Children, at iba pang programa na inilunsad sa iba't-ibang distrito ng Maynila.
Halos 1,627 mga bata na biktima ng iba't-ibang uri ng pang-aabuso ang tinulungan din MDSW sa pamamagitan ng District Welfare Offices.