Siniguro ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo, Nobyembre 12, sa pamilya ni Juan Jumalon o mas kilala bilang “Johnny Walker” sa Misamis Occidental na makakamit nila ang hustisya sa naging pamamaslang sa broadcaster noong Nobyembre 5, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Matatandaang napabalita kamakailan ang naging pamamaril kay Jumalon habang umeere nang live sa kaniyang programa.

Sa ulat naman ng PCO, sinabi ng pangulo, sa pamamagitan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pinangunahan ni Usec. Paul Gutierrez, na may “promising results” sa imbestigasyon hinggil sa pagpaslang kay Jumalon.

“The leads and possible motives being pursued by the investigators are showing promising result pointing to a faster resolution of this incident,” saad ni Gutierrez.

Probinsya

PBBM kinondena pamamaslang sa radio broadcaster sa Misamis Occidental

“More than the expression of sympathy and the granting of financial support, what we are after here is justice for the victim thru the apprehension of the identified suspect and his confederates leading to the unmasking of the mastermind, if there is any.”

“This is the instruction of the President and I am glad to note that our law enforcement bodies are exerting their efforts to give justice to the Jumalons,” dagdag pa niya.

Sa isinagawa umanong pagpupulong kasama si Misamis Occidental police director P/Col. Dwight Monato, sinabi ni Gutierrez na “satisfied” siya sa pag-iimbestiga ng ‘Special Investigation Task Group (SITG) Johnny Walker’ kung saan si Monato ang tumatayong ground commander.

Mula sa pagpupulong, tumuloy sina Gutierrez at Monato sa tirahan ng pamilya Jumalon upang ipaabot umano ang pakikiramay at tulong pinansiyal nina Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nagkakahalaga ng ₱350,000.

Samantala, noong Miyerkules, Nobyembre 8, 2023, nagsumite na umano ang SITG ng “murder and theft complaint” laban sa isa sa tatlo umanong umatake kay Jumalon. Naglabas na rin daw ito ng computer-generated sketch ng mukha ng suspek.

Iniulat naman umano ni Monato kay Gutierrez na ang suspek, na kilalang ‘gun-for-hire’ sa lalawigan, ay kinilala ng hindi bababa sa tatlong saksi.

“We already have the name and background of one of the three possible suspects. This is a good starting point in any investigation,” ani Monato.

Samantala, sa ngayon ay may kabuuang ₱3.7 milyon na reward money umano ang ipinangako para sa pagkakaaresto sa sinuman sa tatlong potensyal na suspek sa pagpatay kay Jumalon.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang naging pamamaslang kay Jumalon ang ika-199 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag mula noong 1986, at ang ikaapat sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Matatandaan namang nagpahayag na ng pagkondena ang pangulo sa naturang pagpaslang kay Jumalon noon ding Nobyembre 5.