Sa Nobyembre 20 na mapapanood ang comeback teleserye ni Optimum Star Claudine Barretto na may pamagat na "Lovers/Liars" na collaboration project ng GMA Network at Regal Entertainment.
Ito ang papalit sa time slot ng "Unbreak My Heart" nina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, Gabbi Garcia, at Joshua Garcia. Ito naman ang kauna-unahang collaboration project ng GMA, ABS-CBN/Dreamscape Entertainment, at Viu Philippines.
Sa pamagat pa lamang ay tiyak na tungkol ito sa "agawan" ng minamahal, at may mga nagsasabi pang ito na ang tatapat sa "Linlang" nina Paulo Avelino, JM De Guzman, at Kim Chiu na patok na patok ngayon sa social media, pero napapanood sa Prime Video.
Ito rin ang comeback ni Clau sa Kapuso Network matapos maging contract artist nito. Matagal na nagpahinga ang dating Kapamilya star sa paggawa ng mga serye.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isa si Claudine sa mga naging reyna ng soap opera sa ABS-CBN lalo na noong 90s. Ilan sa mga nagmarkang serye ni Clau ay ang "Mula sa Puso," "Saan Ka Man Naroroon," "Dulo ng Walang Hanggan," at "Iisa Pa Lamang."
Batay sa poster, ang leading men ni Claudine dito ay sina Christian Vasquez at Polo Ravales.
Narito rin si Lianne Valentin na gumanap nang kabit sa panghapong seryeng "Apoy sa Langit" kasama sina Zoren Legaspi, Maricel Laxa, at Mikee Quintos.
Pasok din sa cast si Michelle Vito na bagama't Star Magic artist pa rin ay mapapanood na sa nabanggit na Kapuso serye, dahil allowed na ang SM artists na tumanggap ng proyekto sa ibang TV network, kagaya nina Joem Bascon (Black Rider), KaladKaren (Frontline Pilipinas sa TV5), at Dimples Romana (Gud Morning Kapatid sa TV5 pa rin).