“Kahit ako ang nag-iisang matira, maninindigan ako para sa kanya.”

Ito ang pahayag ni Senador Imee Marcos sa kaniyang pagpanig kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng kinahaharap nitong isyu sa pagitan ng Kamara.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 8, sinabi ni Marcos na siya ang “una at kaisa-isang gobernador” na nagdeklara umano ng suporta kay Duterte noong 2015.

“Nakikita ko sa kanya ang aking ama. Matapat sa kaibigan, matapat sa bayan,” saad ni Macos.

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, magde-demand ng audit ‘pag tumakbo bilang Pangulo si Romualdez

“Ano raw ba ang sikreto ng mga Marcos at bakit sa loob ng mahabang panahon may mga loyalistang handang makipaglaban para sa amin? May loyalista kami dahil loyalista kami. Ako, gaya ng aking ama, ay matapat at naninindigan para sa mga tunay na kaibigan, sa hirap at sa mas mahirap, sa mabibilang na ligaya at sangkatutak na dusa.”

Binanggit din ng senador ang kahalagahan umano ng “magkatotohanang pagkakaisa” na hindi lamang daw “bula ng bibig.”

“Iyan ang iniwang legasiya sa akin, sa atin, ng aking ama. Ang makatotohanang pagkakaisa, pagkakaisang hindi bula lamang ng bibig, pagkakaisang nangangahulugan ng pagiging isa,” ani Marcos.

“Sapagkat kung ang isang Marcos ay loyalista sa paninindigan at pakikipagkaibigan, pinakaloyalista kami sa kapakanan ng bayan. Kahit tayo ay isang pulu-pulong bansa, hindi tayo umiiral na parang mga isla. Dapat nagtatagpo ang dulo sa dulo, mata sa mata. Solid north, solid south, Solid Pinas,” giit pa niya.

Binigyang-diin din ng senador na “kabastusan” sa aral ng naganap na pinsala ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 ang “pinagkakaabalahan ng mga pulitikong ginugutay-gutay ang bansa at ginagamit sa pagpapapogi at pagpapalapad ng papel.”

“Ang aral na itinuro sa atin ng Yolanda – eksaktong sampung taon ang nakalipas ay buhay pa rin sa aking gunita— na walang delubyo ang kayang lumunod sa lakas ng Pilipinong mulat at gising;

“Igalang sana natin ang libo-libong namatay sa sakunang iyan. Alalahanin natin ang pagkakaisang umahon sa atin sa delubyong iyan. Delubyong maglulugmok din sa atin kapag kukunsintihin natin ang nais sumira sa ating mga nasimulan pagkatapos ng pagsubok na iyan,” aniya.

Samantala, muling iginiit ni Marcos na mananatili siyang magtatanggol kay Duterte na gumalang umano sa kaniyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. nang pahintulutan niya itong ilibing sa Libingan ng mga Bayani.

“Inuulit ko, noong 2015, ako ang una at kaisa-isang gobernador na nagdeklara ng suporta para kay Pangulong Duterte. At kahit ako ang nag-iisang matira, maninindigan ako para sa kanya,” pagbibigay-diin ni Marcos.

“Ang isang anak na humarap sa napakaraming pananaksak sa likod ay hindi kailanman tatahamik sa mga pagtataksil at pambabastos sa taong gumalang sa aking ama, noong pahintulutan nyang mahimlay ito sa libingang para sa kanya.”

“Doon, ay tinanong siya na kaya ba niya pinahintulutan ang paglilibing ay dahil kaibigan niya lang ako? Ang sagot niya noon ay sagot ko ngayon, Hindi lang dahil kaibigan ko si PRRD, KAIBIGAN KO TALAGA SIYA, higit lalo si Inday Sara, mga kaibigan ko sa pagpapaunlad ng bayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pakikipaglaban kontra sa pwersa ng kasamaang nagpapalaganap ng katiwalian, gutom at katrayduran,” saad pa niya.

Matatandaang nahaharap ngayon si dating Pangulong Duterte sa kontrobersiya laban sa Kamara matapos nitong sabihin sa isang panayam sa telebisyon kamakailan na ang Kongreso umano ang “most rotten insitution” sa bansa.

Magde-demand din daw ang dating pangulo ng audit kung paano ginastos ni House Speaker Martin Romualdez— na pinsan ni Marcos— ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang Pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

Dahil dito, inihain sa Kamara ang House Resolution No.1414, na naglalayon umanong pagtibayin ang integridad ng Kamara at magpahayag ng “appreciation,” “solidarity,” at suporta para sa leadership ni Romualdez.

Samantala, matatandaang sa kaniyang talumpati sa isinagawang sesyon sa Kamara nitong Lunes, Nobyembre 6, nangako si Romualdez na titindig siya at lalabanan ang naninira at nananakot umano sa Kamara.

https://balita.net.ph/2023/11/07/titindig-ako-romualdez-nangakong-lalabanan-umaatake-sa-kamara/

Pagkatapos ihain ang naturang resolusyon ay inalis bilang mga deputy speaker ang mga kilalang kaalyado ni Duterte na sina Pampanga 2nd district congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Davao City 3rd district Rep. Isidro Ungab.

https://balita.net.ph/2023/11/07/arroyo-ungab-pinatalsik-ng-kamara-bilang-deputy-speakers/