Nasa ₱7 milyong halaga ng bigas na makapagpapakain na sana ng 2.5 milyong mga Pilipino ang nasasayang kada taon, ayon sa Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) nitong Huwebes, Nobyembre 9.

Sa isang press briefing sa Palasyo, ibinahagi ni DA-PhilRice Deputy Executive Director Dr. Karen Eloisa Barroga na dalawang kutsara ng bigas ang nasasayang kada araw.

“It’s actually two tablespoons of rice (are) wasted by every person daily. That would be costing ₱7 million for a year, which could feed 2.5 million Filipinos sana kaysa na-waste,” saad ni Barroga.

Karaniwang sanhi rin umano ng naturang pagsasayang ng pagkain ang “takaw mata” na mentalidad ng mga Pilipino, lalo na tuwing mga piyesta o anumang mga pagdiriwang.

Ilang LGUs naglabas na ng guidelines para sa Undas 2024

Kaugnay nito, binanggit ni Barroga ang “Be RICEponsible” campaign ng PhilRice na layon umanong hikayatin ang mga Pilipinong kunin lamang ang pagkain na kailangan nila upang maiwasang may masayang.

Dagdag naman ni DA-PhilRice Development Communication Division Head Dr. Hazel Antonio, nakasaad din umano sa kanilang campaign na mahalagang tangkilikin ang bigas na nagmumula sa mga lokal na magsasaka para matulungan din ang mga ito sa kanilang kabuhayan.

“I think our farmers appreciate the hard work. Pero this time, we’re encouraging every consumer to buy their products kasi isa din sa mga goals ng DA, specifically ng PhilRice under the rice program, ay tulungan iyong ating mga farmers to market their products as milled rice na instead na ibenta nila as fresh palay sa farmgate,” saad ni Antonio.

Tuwing buwan ng Nobyembre ipinagdiriwang ng bansa ang National Rice Awareness Month, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 524 na nilagdaan noong Enero 5, 2004.

Layon umano ng naturang pagdiriwang na pataasin ang kamalayan ng publiko ukol sa rice self-sufficiency at upang masugpo ang malnutrisyon at kahirapan sa bansa.