Binigyang-diin ni House Speaker Martin Romualdez na nangangako siyang titindig at lalabanan ang naninira at nananakot umano sa Kamara.

Sa isang plenary session nitong Lunes, Nobyembre 6, hinimok ni Romualdez ang kaniyang mga kapwa mambabatas sa Kamara na huwag umanong hayaan ang mga indibidwal na siraan ang reputasyon ng kanilang institusyon.

"Let it be said, never must we countenance or allow others not so likely-minded individuals who choose to malign or put down the image of this institution and dictate the direction we must go. I urge everyone to rally behind our true moral compass – the will of the Filipino people," saad ni Romualdez.

"Tatayo ako laban sa sinuman na mananakot sa atin para masunod lamang ang gusto nila. Titindig ako — tayong lahat— para sa kapakanan ng bayan.”

Confidential funds ng 5 gov’t agencies, inalis ng Kamara – Quimbo

“Nagkakaiba man tayo ng pananaw at paniniwala, nagkakaisa tayong tumitindig kung inaatake ang ating institusyon. Hindi rin natin papayagan ang sinuman na pigilan tayo na magampanan ang ating mandato sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Bagama’t hindi pinangalanan ni Romualdez ang naninira at nananakot umano sa Kamara, dinepensahan ng House leader sa kaparehong talumpati ang desisyon ng institusyon na tanggalin sa panukalang 2024 national budget ang confidential funds ng ilang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President at Department of Education na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

Ang naturang desisyon ng Kamara ay para umano sa mga ahensyang dumidipensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.

“Wala pong personalan dito, trabaho lang,” saad ni Romualdez.

Matatandaan namang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan sa isang panayam ng SMNI na ang Kongreso umano ang “most rotten institution” sa bansa dahil wala raw “limit” ang “pork barrel” dito.

Sinabi rin ni Duterte sa naturang panayam na magde-demand daw siya ng audit kung paano ginastos ni Romualdez ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang Pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

https://balita.net.ph/2023/10/13/ex-pres-rodrigo-duterte-magde-demand-ng-audit-pag-tumakbo-bilang-pangulo-si-romualdez/

Samantala, iginiit naman kamakailan ni Romualdez na in-abolish na umano ng Kamara ang sistema ng “pork barrel.”

https://balita.net.ph/2023/11/04/pork-barrel-system-in-abolish-na-ng-kamara-romualdez/