Inilabas na ng GMA Network ang official music video ng kanilang Christmas Station ID 2023 sa YouTube noong Linggo, Nobyembre 5.
“Feeling Blessed Ngayong Pasko” ang pamagat ng CSID ng GMA ngayong taon. Layunin umano nitong ihatid ang mensahe na higit sa ano pa mang mga materyal na bagay, tayo ang biyaya ng bawat isa.
Tampok sa music video ang mga bigating personalidad ng GMA mapa-entertainment man o pamamahayag gaya nina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Alden Richards, Michael V., Heart Evangelista, Bea Alonzo, Barbie Forteza, Dennis Trillo, Mel Tiangco, Vicky Morales, at Jessica Soho.
Pero bukod pa rito, higit na tumingkad ang CSID ng GMA dahil sa mga tampok na kuwento ng mga kabutihan at pagpupunyagi ng mga ordinaryong tao.
Gaya halimbawa ng delivery rider at proud tatay na si Elmer Mallanao na napagtapos ang anak bilang Cum Laude. Narito rin ang kuwento ni RM Capillas na iniwan ang BPO career para maalagaan lang ang na-stroke na ama. Ipinasilip din ang kabutihan ni Tatay Michael Kimuell na libreng nagpapasakay sa kaniyang jeep para sa mga pasaherong walang pamasahe.
Gayundin si Arshie Larga, isang pharmacist at content creator na namimigay ng libreng gamot. Pati ang mga nursing student na sina Angyl Fayth Ababat at Kristianne Joice Noelle Ona na sumagip sa nanganganib na buhay ng isang fruit vendor.
Hindi rin nakalimutan ng GMA na alalahanin at bigyang-pugay ang beteranong broadcast-journalist na si Mike Enriquez.
Ayon sa katrabaho niyang si Mel, hindi lang umano magaling sa pagbabalita si Mike, matulungin at mapagbigay din daw ito.
Sa katunayan, sabi pa ni Vicky, palihim siyang tumutulong sa National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Sta. Ana, Manila.
Matatandaang namayapa si Mike nito lang Agosto 29.
MAKI-BALITA: Veteran journalist Mike Enriquez, pumanaw na
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, may mahigit 238k views na ang CSID ng GMA Network. Nauna na nilang ilabas ang lyric video nito noong Nobyembre 3.