Inalis bilang mga deputy speaker ang mga kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sina Pampanga 2nd district congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Davao City 3rd district Rep. Isidro Ungab.

Inaprubahan ng Kamara ang naturang pag-alis sa dalawang mambabatas bilang deputy speakers sa isinagawang plenary session nitong Martes ng gabi, Nobyembre 7, kung saan wala umanong tumutol.

Pinalitan si Arroyo ni Isabela 1st district Rep. Tonypet Albano, habang pinalitan naman si Ungab ni Lanao del Sur 2nd district Rep. Yasser Alonto Balindong. 

Nangyari ang pagpapatalsik kina Arroyo at Ungab isang araw matapos ang paghain sa Kamara ng House Resolution No.1414 na naglalayong pagtibayin ang integridad ng Kamara at magpahayag ng “appreciation,” “solidarity,” at suporta para sa leadership ni House Speaker Martin Romualdez.

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, magde-demand ng audit ‘pag tumakbo bilang Pangulo si Romualdez

Ito ay matapos ang naging pahayag ni dating Pangulong Duterte sa panayam kamakailan ng SMNI sa telebisyon na “most rotten institution” umano ang Kongreso dahil wala raw “limit” ang “pork barrel” dito.

Magde-demand din daw ang dating pangulo ng audit kung paano ginastos ni Romualdez ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang Pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

Sa walong deputy speakers at isang senior deputy speaker, sina Arroyo at Ungab lamang umano ang hindi naging co-author ng naturang panukala.

Samantala, matatandaang sa kaniyang talumpati sa isinagawang sesyon sa Kamara nitong Lunes, Nobyembre 6, nangako si Romualdez na titindig siya at lalabanan ang naninira at nananakot umano sa Kamara.

https://balita.net.ph/2023/11/07/titindig-ako-romualdez-nangakong-lalabanan-umaatake-sa-kamara/