Tinatayang 57% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa desisyon ng Kamara na ilipat ang confidential funds ng ilang mga ahensya ng gobyerno sa mga ahensyang nakatutok sa “peace and order” ng bansa, ayon sa inilabas na survey ng OCTA Research nitong Martes, Nobyembre 7.
Matatandaang napabalita kamakailan na binigyan ng Kamara ng “zero confidential funds” ang ilang civilian agencies, tulad ng Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ay upang i-reallocate umano ang naturang confidential funds sa mga ahensyang dumidipensa sa West Philippine Sea at nakatutok sa seguridad ng bansa, tulad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kaugnay nito, lumabas din sa naturang survey ng OCTA na 14% naman umano ng mga Pilipino ang hindi sumasang-ayon sa naturang desisyon ng Kamara.
Samantala, sa kaparehong survey ay inihayag ng OCTA na 72% ng mga Pilipino ang nakarinig, nakabasa, o nakapanood ng mga diskusyon o balita tungkol sa confidential at intelligence funds, habang 23% umano ang hindi nakabalita rito.
Isinagawa umano ang naturang Tugon ng Masa survey mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, 2023 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 respondents na nasa 18 pataas ang edad.