Sinagot ng bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Francisco "Kiko" Tiu Laurel kung posible ba ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakaraang eleksyon na ₱20 kada kilo ng bigas.

Sa isang press briefing sa kaniyang unang araw bilang DA chief nitong Lunes, Nobyembre 6, sinabi ni Laurel na hindi pa posible sa ngayon na bumaba sa ₱20 ang presyo kada kilo ng bigas sa bansa.

"The ₱20 per kilo was an aspiration. Ang problem now, we are in the 15-year-high sa world market... So today, that is not possible,” ani Laurel.

“But with 'yung directive ni Presidente to modernize, irrigate, use the right seeds, mechanize and all of that, maraming gagawin, we are getting ready to do our best, to try to make rice affordable na kaya ng bulsa ng mamamayan,” saad pa niya.

Bagong DA chief, tututok sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura

Ayon sa price watch ng DA, mula noong Nobyembre 2 ay nasa ₱41 (Local Regular Milled) hanggang ₱65 (Local Special) kada kilo umano ang presyo ng bigas sa Metro Manila.

Inihayag naman ni Laurel na gumagawa na rin sila ng paraan para gawing moderno ang sektor ng agrikultura ng bansa.

"Modernizing is not easy, may procurement process. It might take a little time. But we are doing it as much as possible," saad ni Laurel.

Matatandaang inihayag ni Laurel kamakailan na nais niyang gawing moderno ang sektor ng agrikultura upang matiyak umano ang sapat na supply ng pagkain sa bansa.