Isang ‘critically endangered’ na cloud rat o “bugkon” ang natagpuan sa isang bahay sa Antipolo City, ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod.

Sa Facebook post ni Mayor Jun Ynares nitong Miyerkules, Nobyembre 1, ibinahagi niyang natagpuan umano ang naturang bugkon sa kisame ng isang bahay sa Sitio Junction, Tagbac, Barangay San Jose.

“Minabuti nila itong i-surrender sa ating City Veterinary. Agaran din naman nating i-tinurn over ang cloud rat sa PENRO (Provincial Environment and Natural Resources Office),” pahayag ni Ynares.

Ang bugkon ay ang pinakamalaki umanong specie ng daga sa Pilipinas, kung saan endemic o sa bansa lamang umano ito matatagpuan.

Trending

Mag-jowa naghiwalay na, na-engage na sa iba pero MRT-7 hindi pa rin daw tapos

Ayon kay International Union for Conservation of Nature (IUCN), napapabilang na sa “critically endangered species” ang cloud rats, na nanganganib sa pagkawala ng tirahan dahil sa malawak na deforestation sa bansa.

“Endangered na po ang kanilang lahi kaya kung may mamataan po kayong kaparehong hayop sa inyong tahanan o sa inyong lugar, huwag itong papatayin o sasaktan,” panawagan naman ni Ynares.

“Mangyaring itawag ito sa ating City Veterinary Office (CVO) hotline sa ☎️ 8689-4514 o pumunta sa dating 📍 Brgy. Hall ng San Isidro sa San Jose St. cor. Lorenzo Sumulong Memorial Circle,” saad pa niya.